Sobrang tahimik kahapon ng paligid dahil ipinagluksa ng mga Pinoy ang pagkatalo ni Congressman Manny Pacquiao sa boxing fight nila ni Juan Manuel Marquez.
All seats taken pa naman sa lahat ng mga sinehan na nagpalabas ng live coverage ng laban nina Pacquiao at Marquez.
Mabilis na kumalat ang balita na natalo ang Pambansang Kamao at ang feeling ko, mangilan-ngilan lang ang nanood ng replay dahil ayaw nilang makita na nakadapa si Papa Manny sa boxing ring.
Nakakatensiyon ang eksena dahil hindi gumagalaw si Papa Manny. Ang akala ng lahat, may masamang nangyari sa kanya pero nang mahimasmasan, nakangiti pa rin siya, isang ugali ni Pacquiao na kahanga-hanga.
Maluwag sa loob na tinanggap ni Pacquiao ang resulta ng laban nila ni Marquez. Kung natanggap niya ang katotohanan, dapat na rin itong tanggapin ng kanyang mga supporter na hindi makapaniwala sa kinahinatnan ng laban.
‘Mag-move on na tayo!’
Today is Monday at Linggo kahapon. Ang ibig sabihin, mag-move on na tayo dahil nangyari na ang nangyari.
Babalik na si Papa Manny sa Miyerkules para magbigay ng tulong sa mga kababayan natin sa Mindanao na nasalanta ni Typhoon Pablo. ’Di hamak na mas depressing ang nangyari sa Mindanao dahil may mga nagbuwis ng buhay kesa sa pagkatalo ni Papa Manny.
Show ni Pacman, may farewell pa!
May farewell show ang Manny Many Prizes sa Miyerkules sa Mall of Asia pero puwedeng magkaroon ng changes dahil sa naging resulta ng laban nina Pacquiao at Marquez.
Si Papa Manny ang may gusto na magkaroon ng farewell show ang kanyang game program na nagpaalam sa ere noong Dec. 2. Kung matutuloy ang show, makakasama ni Papa Manny ang lahat ng mga co-host niya sa Manny Many Prizes.
Pagka-best actress ni Eugene Domingo sa France, natabunan ng Pacman-Marquez fight
Natabunan ng mga balita tungkol sa Pacquiao-Marquez fight ang tagumpay ni Eugene sa France.
Nanalo si Eugene ng best actress award sa Pau International Film Festival sa France dahil sa performance niya sa Ang Babae sa Septic Tank. Personal na tinanggap ni Eugene ang acting trophy na napanalunan niya sa filmfest na kanyang pinuntahan.
Kung may natalo na Pinoy sa boxing, may Pilipina naman na nanalo ng acting award kaya hindi na dapat malungkot ang sambayanang Pilipino. Ganyan talaga ang buhay, you win some, you lose some.