Mabulaklak ang darating na 2013 para kay Nora Aunor.
Sa totoo lang kasi sa isang malawak na taniman ng mga rosas kukunan ang kanyang bagong drama serye sa TV5, ang Never Say Goodbye. Kahapon, Huwebes, nagpunta na ang Superstar sa Benguet upang simulan ang taping ng bagong show.
Si Alice Dixson ang nagkuwento sa amin, sa party ng TV5 last Wednesday evening.
“Ako, next week pa susunod sa kanila,” sabi pa ng magandang aktres.
Sina Cesar Montano, Gardo Versoza ang mga co-star nila. Ang best actor at best actress sa Artista Academy na sina Sophie Albert at Vin Abrenica, gaganap ng mahahalagang papel sa Never Say Goodbye.
Isang flower farmer ang role na gagampanan ni La Aunor sa Never Say Goodbye at magsisimula itong itanghal sa 2013.
Bago mag-Pasko, darayong muli sa isang international filmfest sa Macau si Ate Guy. Baka naman tumanggap siyang muli ng award doon.
Binigyan ng A rating ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang Thy Womb, na official entry sa 2012 Metro Manila Film Festival. Lalo tuloy kaming nanabik na mapanood na ang pelikulang dinirek ni Brilliante Mendoza.
24 finalists ng Kanta Pilipinas malapit nang bumirit
Early 2013 naman ang premiere telecast ng Kanta Pilipinas, na mula rin sa TV5. Napili na ang 24 finalists at sila ang maglalaban-laban para sa pinakamalaking singing contest on TV.
Nakagawa na sila ng isang music video tungkol sa likas na ganda ng ating bansa, pati na ang mga Pilipino. Maganda ang pagka-produce ng video na tiyak na magiging effective na pang-akit sa mga turista.
Abangan ninyo ang telecast nito sa Kapatid Network.
TV5 staff maasikaso kahit sa bumabatikos
Enjoy kami sa Christmas party ng TV5. Magiliw ang pag-asikaso sa amin ng PR staff ng network, headed by Peachy Guioguio. Walang halong kaplastikan kahit kung minsan binabatikos namin ang iba nilang palabas. Asikaso pa rin kaming mabuti. Talagang feeling namin, welcome ang lahat ng showbiz press sa simpleng party.
Maverick at Cassandra sa bakbakan gustong lumabas
Ngayon lang magkakaroon ng kambal na action stars ang Sineng Pinoy. Pareho kasing gusto ng twins na sina Maverick at Cassandra Legaspi na sumabak sa aksiyon kaya sila’y nag-artista na. Hindi pa natin nakikita kung meron silang talent sa movie genre na kanilang pinili. Pawang sa mga commercial lang naman kasi sila lumabas, na walang gaanong effort ang kailangan para mapansin.
For a start, puwede silang makasama sa isang bagets adventure to showcase their skills in martial arts. Ngayon pa lang dapat na silang mag-aral ng judo, karate, at iba pang martial arts.
Karylle lumalabas sa pampalubag loob na show
Pampalubag-loob kay Karylle ang makasali sa isang action TV series sa Singapore, Point of Entry, na ipinapalabas na roon simula pa noong Nov. 28.
Kahit nga naman hindi siya nabigyan ng role sa London revival ng Miss Saigon, after two tryouts, pang-international din ang Point of Entry with American and Asian cast.
Batikang aktres ayaw kumuha ng senior citizen ID takot mabuking ang sikretong edad
Isang batikang aktres ang ayaw pang kumuha ng senior citizen ID kahit malaki ang matitipid niya sa mga discount sa pagbili ng mga gamot at pagkain sa restaurant.
Hanggang ngayon kasi gusto niyang ipaglihim ang tunay niyang edad. Dahil ayaw niyang pumunta sa city hall’s senior citizen’s office para kumuha ng ID card na ilang minuto lang naman ang process. Afraid siyang mabunyag sa buong bayan ang kanyang real age. Malayo naman kasi ang agwat ng press release niyang edad kesa tunay na nakikita sa birth certificate!
Bukod sa iniiwasang senior citizen ID, panay din naman ang paretoke niya ng mga pileges upang hindi mabuking ang pagka-wrangler!
BB ka-level ng mga senior citizen sa stage play
Magandang parte sana ito sa stage play na Sayaw ng mga Senyorita which is about gay senior citizens. Nagtatanong ang mga kafatid kung senior na si BB Gandanghari dahil member siya ng cast. Baka malapit na o baka iba naman ang role na ginampanan niya.