Notorious ang tawag sa kanya noong kanyang panahon. Walang makapagsasabi kay Celso Ad Castillo kung kailan siya magsisimulang magtrabaho at kung paano niya ididirek ang kanyang pelikula. Kahit nasa set na ang lahat, basta ayaw pang kumilos ni Celso Kid, wala kayong magagawa.
Pero isang bagay ang hindi maikakaila, lahat ay nagsasabing siya ay isang napakahusay na direktor ng pelikula. Kung hindi ba naman, palagay ninyo papayag na magpadirek sa kanya kahit na si Fernando Poe, Jr. sa kabila ng reputation niya?
Si Celso Kid ang gumawa ng malalaking pelikula at masasabing lumikha rin ng malalaking artista. Siya ang unang direktor ni Gloria Diaz sa Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa. At hindi lamang si Gloria ang umangat doon kundi pati si Elizabeth Oropesa.
Si Celso rin ang nagpasikat ng softdrink beauties nang gawin niya ang Snake Sisters. ’Tapos gumawa pa siya ng mga pelikula sa abroad.
Pero may alam kaming isang pelikula na gusto niyang gawin noon, hindi lamang bilang direktor kung hindi bilang star mismo, at iyon ay Ang Lalaking Nangarap Maging Nora Aunor.
Matagal nang hindi gumagawa ng pelikula si Direk Celso, may nagsasabi ngang may sakit kasi siya. May nagsasabi namang hindi problema ang sakit kay Direk, wala lang nakikitang pelikula na talagang gusto niyang gawin.
Pero ngayon, anumang pelikula ang gusto pa niyang gawin ay wala na nga. Yumao na si Direk Celso Ad Castillo. Sinasabi nga nila, sa kanyang pagyao noong Lunes ng madaling araw, wala nang natira sa lahat ng mga mahuhusay na direktor ng kanilang era. Wala nang lahat ng mga mahuhusay na direktor na siyang namayani noong panahong tinatawag na golden years ng Philippine Cinema.
Noong kanilang panahon, talagang nagpapagandahan sila ng pelikula. Ang mga pelikula nila noon ay may katuturan, hindi kagaya ng mga pelikula ngayon na gagawa lang ng isa o dalawang magandang eksena at wala na.
Si Celso Kid ay gumawa rin ng sexy movies pero walang kasing bastos ng mga ginagawa nila sa ngayon. Sayang, wala na si Celso Kid at ewan kung magkakaroon pa nga tayo ng isang direktor na kagaya niya.
Regine magpapahinga muna ng husto para sa free concert
Next year na yata ang sinasabing free concert ni Regine Velasquez. Ang dahilan naman nila, Christmas season nga naman, busy ang mga musician, busy rin ang production staff.
Ito ang panahon na medyo mataas ang bayad sa kanila. Eh paano ka nga naman gagawa ng free concert ngayon?
Isa pang sinasabi nila, mas makakapagpahinga pa nang mahaba si Regine, kaya sa pagsalang niya sa susunod na concert, mas sigurado siya sa boses niya.
Hindi naman siguro magiging issue pa kung kailan man niya itutuloy ang free concert.