Tuwang-tuwa ang lahat ng mga nag-abang sa The Twilight Saga: Breaking Dawn Part 2. Kung ang pagbabasehan lang ay ang malalakas na tilian at palakpakan sa loob ng sinehan ay walang dudang nasiyahan nga ang Twilight fans sa ika-lima at huling istorya nina Bella Swan (Kristen Stewart) at Edward Cullen (Robert Pattinson) ayon sa isinulat ni Stephenie Meyer.
Epektibo ang ginawa sa lahat ng mga karakter, bago man o luma, ng direktor na si Bill Condon. Malinaw naman ang interpretasyon ng screenwriter na si Melissa Rosenberg dahil kahit ang hindi nakapagbasa ng nobela o napanood ang Breaking Dawn Part 1 ay madali pa ring naintindihan.
Nabigyan din ng higit na maturity ang pagkatao nina Bella at Edward dahil sa pagbuo na ng isang maliit na pamilya. Dumating na sa buhay nila ang anak na si Renesmee Cullen (Mackenzie Foy) na isang “half-human” at siyang pagmumulan ng conflict. Gagawin nila ang lahat para huwag mapahamak ang batang kakaiba.
Kung inakala nating forbidden na ’yung na-in love sa tao ang bampirang si Edward at pakasalan pa si Bella, lalo palang malaking isyu sa lahi ng mga immortal ang pagkakaroon ng anak… kung immortal din.
Espesyal na bata si Renesmee at pambihira ang bilis ng kanyang paglaki. Kung siya ay mortal o immortal at kung bakit ay magandang panoorin na lang.
Tulad ng dati, nasa tabi lang si Jacob Black na extra large werewolf (Taylor Lautner) at masugid na nakabantay. Hindi na nga lang kay Bella kundi kay Renesmee na. Si Jacob na ang nagmistulang guardian, ninong, at pet ng bata.
Sa loob ng sinehan ay mas lumakas pa yata ang hatak ni Jacob sa female fans. Dahil ba nagpaka-bayani siya sa pagpoprotekta kay Renesmee o dahil siya ay bachelor pa at si Edward ay taken na? Parang dumami kasi ang pogi points ni six-pack Jacob.
Pero ang talagang hindi makakalimutan ng mga manonood ay ang kabilib-bilib na fight scenes ng pamilya Cullen at ng mga nakumbinsing maging testigo/kakampi laban sa grupo ng kataas-taasang Volturi sa pagli-lider ni Aro (Michael Sheen). Dito na inipon at ibinuhos ang ganda ng Part 2. At dito rin masusukat ang desisyon ni Aro kapag nalaman niya na may vision sa kanya si Alice Cullen (Ashley Greene).
Nakakatakot na nakakatawa ang finale kay Aro. Nakakairita naman ang pagka-wais ng alagad niyang si Jane (Dakota Fanning). Sorry na lang pero hindi rin umubra ang mega powers niya. Kanino pa kundi kay Bella na sobrang lakas na ang pagka-bampira? Kahanga-hanga naman ang galing ng portrayal ng dalawang kontrabidang Volturi kahit hindi pa magsalita si Jane.
At kahit marami na ang mga Cullen at ang Volturi, pumasok pa rin sa eksena ang iba’t ibang bampira na mula pa sa kung saan-saang bansa para tumestigo kay Renesmee. Isang indikasyon lang na may United Nations na version din pala ang mga bloodsucker. Naka-entertain naman ang mga supernatural galing nila.
Maganda naman ang mensahe dahil naroon sila para magsilbing saksi na walang nilabag na mali ang mag-asawang Cullen. Naroroon sila hindi para makipag-giyera, kahit gusto pa ng iba, kung hindi para daanin sa diplomasya ang problema. Kung mareresolba ang pag-uusap ng magkabilang-panig o hindi ay panoorin na nga lang.
Para sa Bella-Edward fanatics naman, tiyak na ile-level nila ang fight scenes sa lambingan sa kuwarto ng lovestruck vampires at sa flashback moment ni misis sa gitna ng mga bulaklak. Siyempre nagsimula at nagwakas nga naman ang Twilight sa pag-iibigan nina Bella at Edward. Forever na.
May ipare-rebyu?
E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com