Mga kasamang chef ni Juday, mukhang mga ngarag
Kasama ngang sangkap ang drama sa MasterChef Pinoy Edition. Sa unang linggo pa lang ng pagsasaere nito sa ABS-CBN at sa bagong oras ay nakapagpa-sampol na ang mga contestant.
Parang hindi naman sadya ’yun, talagang nakakapiga lang ngayon si Judy Ann Santos sa bagong edisyon ng kanyang iniho-host dahil matatanda na ang mga nagbabakasakaling maging master chef. Natural lang na marami na ang karanasan nila sa buhay kumpara naman sa mga batang kalahok noong Junior MasterChef pa.
Pero napansin ko sa mga unang araw ng show ay parang harassed at tumanda ang mga hitsura ng mga katabing judge ni Juday. Wala pa ngang isang taon ang nakakaraan simula nung unang edition eh. Mukhang wala silang ayos o makeup. Naglabasan din ang mga puting buhok hanggang balbas nina Chef Ferns Aracama at Chef Jayps Anglo. Habang fresh at naka-makeup si Juday, parang nangarag naman yata sa kusina ang boys.
Aljur at Kris, magaling sa Coffee Prince
Wala naman akong nakitang mali o pangit sa Coffee Prince na ginawang Pinoy version ng GMA 7 sa paminsan-minsang panonood nito. Maganda ang casting at nabigyan ang bawat isa ng tamang role.
Kung tutuusin kahit hindi ko napanood ang original Korean TV series na pinagkopyahan ng team nina Kris Bernal at Aljur Abrenica ay sapat na ang adaptation nila para maaliw ang local TV viewers. Panglasang Pinoy na kasi ang ginawa ni Direk Ricky Davao at ng kanilang writers.
Nagagalingan din ako kay Kris bilang si Andy. Hindi naman siya talaga tibo kundi boyish lang. Siya kasi ang panganay at dahil wala na ang tatay ay naging breadwinner na - naging “kuya” sa isa pang kapatid na babae.
Talagang kapag nagpapanggap siyang lalaki sa sa coffee shop ay tinitingnan ko kung lalabas ang girlie moves niya o magiging overacting naman. Pero wala. Eksakto siya.
At epektibo rin si Aljur bilang Arthur, ang mayamang amo ni Andy. Nagmukhang suwabeng poging rich boy ang aktor. Hindi naman puro pagpapasingkit lang ng mga mata ang kanyang ginawa. Nakaarte naman si Aljur sa Coffee Prince kahit paano.
- Latest