Mukha ngang unti-unti nang bumababa si Willie Revillame sa kanyang sariling pedestal. Kamakailan lamang ay nakipagkasundo na siya kay John Estrada at ngayon si Randy Santiago naman daw ang kanyang hinahanap at gustong makausap.
Aba, talaga namang dapat siyang makipagkasundo sa mga dati niyang kaibigang inaway niya noon panahon ng kanyang kasikatan. Ang ikinagalit lamang naman niya, noong panahong iyon daw ay kinakausap na niya ang big boss ng TV5 na si Manny Pangilinan para silang tatlo ay magkaroon ng noontime show sa Singko. Eh hindi naman alam ng dalawa, kaya tumanggap ng sarili nilang trabaho.
Kung tutuusin, hindi naman talaga dapat na magmalaki si Willie kina John at Randy. Noong nagsisimula sila ng kanilang grupo, si Willie ang pinakabago at pinaka-walang pangalan sa tatlo. Suwerte nga lang siya dahil siya ang nalagay doon sa segment na pera o bayong, kaya sumikat siya. Si Randy noon ay talagang sikat na bilang singer, samantalang si John ay marami na ring nagawang pelikula bilang comedian.
Tumaas lang naman ang lipad ni Willie nang mag-rate ang kanyang show. Isa sa mga mali niya, kinalaban niya pati network kaya nawala siya.
Nang lumipat naman siya ng network, akala mo diyos-diyosan din ang tingin sa kanya sa kanyang nilipatan. Akala nila ang pamimigay niya ng milyun-milyong piso at pati pamasahe sa kanyang studio audience ang siyang susi para makatikim sila ng ratings. Iniwasan na nga nila ang Eat Bulaga dahil alam naman nilang suntok sa buwan na talunin nila iyon. Inilagay na ang show niya sa simula ng primetime sa gabi.
Aba, isipin mong ikaw lang ang ibang format, ikaw na lang ang namimigay ng milyun-milyong piso sa ganoong oras, eh hindi pa siya makadikit sa ratings ng 24 Oras at TV Patrol?
Kung ganyan nga, kailangan na nga siyang bumaba sa kanyang napakataas na pedestal.
Katrina kailangan ng mahabang pahinga
Ikinukuwento ng singer na si Kris Lawrence, na ang kanyang girlfriend, ang sexy star na si Katrina Halili ay hands on nanay sa kanilang anak. Dapat lang, talaga namang tungkulin ng isang ina na mag-alaga ng kanyang anak. Kaya nga siya nanay eh. Siya ang nagluwal at mas may karapatan at tungkuling mag-alaga sa kanyang anak. Hindi naman siya napili ng anak niya eh. Wala naman iyong choice, at hindi pa makakaangal kung sakali.
Kung tutuusin, mas mabuti nga kung magpapahinga muna si Katrina sa kanyang career at alagaan ng husto ang kanilang anak. After all, responsibilidad niya iyon at saka hindi naman maganda ang takbo ng kanyang career ngayon.
Aktor-aktoran gustong mag-hosto sa Macau, pamasahe gusto ipasagot sa starlet na GF
Nagbububusa ang isang starlet. Isipin mo nga naman, ang boyfriend niyang aktor-aktoran ay gusto raw pumunta sa Macau para maging hosto at kumita nang mas malaki.
Pagkatapos ang gusto pa ng lalaki, ang startlet na dyowa muna ang gumastos para siya makaalis.