Iniwang banda ng namatay na bokalista ng Grin Department, tuloy pa rin

Wala na ang bokalista, songwriter, at tumayong lider ng Grin Department matapos magupo sa colon cancer noong nakaraang Sabado. Bagama’t marami na ang nakakaalam ng kalagayan ni Bong Pascasio simula nang maospital nung Mayo, naging mabilis at kagulat-gulat pa rin ang pagkamatay niya sa edad na higit trenta lang. Malungkot din kasi ang nangyari kay Bong at sa pamilya niya dahil nasunog pa ang bahay nila nung Disyembre.

Ang Grin Department ay binansagang alternative punk rock band noong 1995 pero novelty ang mga kanta dahil sa nakakatawang pilyong lyrics. Bago pa pumutok ang kalokohan ng Parokya ni Edgar at Kamikazee ay may kakaibang sundot na ang self-proclaimed na “ma-L” na Grin Department o Grin Dept for short.

’Yung dalawang debut album nila (sila lang gumawa nun sa history ng mga banda) na Melts in Your Mouth (Nut in Your Head) at Ha He Hi Ho Hu sa Ivory Records ay nag-double platinum. Nakapaglabas pa sila ng dalawa pang album, ang Fuego at 2Nah Ahgen.

Ang ilan sa mga kanta nila ay Miss U, 2 Na, 8 Pa, Count to Ten, Friends Lang Tayo, Iskin, at Picture Mo Inday.

Naalala ko noong mga early 2000 na sa lugar ng isa kong kaibigan sa Sta. Mesa, Manila na malapit sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), napaka-solid at loyal ng mga ka-lugar nila sa Grin Dept. Halos lahat ba naman ng computer shops na hile-hilera ay Grin Dept lang ang pinapatugtog maghapon. Wala yatang araw na dumaan na hindi naka-play ang mga kanta ng bandang nagmula mismo sa Sta. Mesa.

At halos lahat ng mga nakiki-Internet na PUP students doon ay na-orient na sa mga kanta ng Grin Dept kahit ilang taon na ang lumipas at wala na silang bagong album.

Sa ngayon, itinutuloy pa rin ang banda ng isa sa mga original member, si Andrew Balatbat, na tumatayong gitarista at bokalista. Kasama ang original na drummer na si Peter Paul Plazon. Si Wilden Anonuevo, bahista, ang pinakabagong miyembro.

Ang maganda, may thumbs up na sila kay Bong simula nang maratay ito at hanggang sa mga huling oras nito sa ospital bago tuluyang bawian ng buhay.

“Mahal ni Bong ang Grin Dept kaya mamahalin ko rin ito,” sabi ni Andrew.

Dagdag pa ni Andrew, humingi rin sila ng opinyon sa old and new fans, ilang banda’t kaibigan, at lahat ng nagmamahal sa kanila kung itutuloy nga ba niya.

“Sagot nila sa akin dapat daw para ’di mawala ang Grin Dept,” sabi ng gitarista at dating bahista rin ng banda nilang nag-umpisa ng 1995.

Sa katunayan ay nakatugtog na ang banda nung Oktubre sa Tanduay Rhum Rock Fest na si Andrew na ang kumakanta.

Nakakalungkot lang dahil nung isang taon naman ay si Bong pa mismo ang nakakanta at nakausap ko pa pagbaba sa stage.

Ngayon, ayon kay Andrew, marami na silang materials na nabuo para sa isang album. May himig pagmamalaki na nagsabing namimili na sila ng record label na magdi-distribute ng kanilang indie album.

Makakaasa na naman ang mga tagahanga ng Grin Department na mapapangisi sila sa pangingiliti ng bandang masang-masa talaga.

“Mabuhay ang mga bandang mahihirap,” ang mantra nga ng Grin Dept.

Nakalagak ang mga labi ni Bong sa may chapel sa Sta. Teresa St., daanan papunta sa PUP, hanggang Sabado. Sa Linggo ang cremation.

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments