Swak na swak talaga ang tandem nina Jose Manalo at Wally Bayola, sasamahan pa sa pagho-host ng komedyana namang si Eugene Domingo sa bagong game show ng GMA 7, ang Celebrity Bluff. Magsisimula nang mapanood sa Sabado, Nov. 17, after ng 24 Oras Weekend at bago ang Extra Challenge nina Richard Gutierrez at Marian Rivera, ang bagong game show.
Bago nag-sample sa Studio 7 kung paano gawin ng tatlo ang game show, na-brief muna ang mga contestant, ang entertainment press na sina Jun Nardo, Jojo Gabinete, at Erlinda Rapadas, habang nakausap muna namin sina Jose at Wally. Paalis bukas ang dalawa para sa London, England show ng Eat Bulaga sa Saturday kaya natanong namin kung mag-i-stay pa sila roon after the show?
Hindi na raw, Sunday ay babalik na rin sila dahil magla-live na sila ng EB sa Lunes, Nov. 19 at kailangan din nilang mag-taping na ng Celebrity Bluff. Pero ang main reason ng dalawa, ayaw nilang magtagal dahil hindi sila sanay sa napakalamig na climate ngayon sa London, sanay sila sa init sa Pilipinas.
Si Wally pala, pinipilit din ng American father niya na mag-stay na sa Chicago, USA pero ayaw niya dahil hindi niya kaya ang malamig na weather doon. Pero payag si Wally kung matutuloy ang wife niya, a registered nurse, na doon na magtrabaho. Nag-promise kasi ang mga kapatid niya roon na tutulungan ang misis niya na makapunta at makapagtrabaho sa hospital doon. Siya naman ay puwedeng dumalaw-dalaw kung sakali.
Si Jose, masaya na rin siya rito dahil nakakasama na niya ngayon ang mga anak niya. Saka ayaw din niyang laging umaalis dahil malaki ang bond na ibinabayad niya sa immigration pero ibinabalik din naman sa kanya ang pera niya kapag nakabalik na siya ng bansa. Kaya talagang hindi siya puwedeng magtagal sa ibang bansa at narito naman talaga ang trabaho niya.
When asked kung ano ang pagkakaiba sa pagho-host nila ng Celebrity Bluff sa pagho-host nila sa Juan for All, All for Juan sa EB, sagot ng dalawa ay nakabihis sila. Sabay explain na sa kahit anong suot nila, puwede, sa bago nilang game show kung laging maganda ang suot ng host na si Eugene kailangang naka-formal din naman ang suot nila bilang mga celebrity bluffer o sina GangNam.
Sila ang magbibigay ng sagot sa itatanong ni Eugene sa tatlong contestants sa tatlong rounds ng game (Unahan, Salpukan, at Sagaran) na puwedeng totoo o iti-trick nila para magkamali sa pagsagot ng tanong. Ang mananalo sa tatlong round ay puwedeng mag-uwi ng P100,000 at kung itutuloy niya ito sa All The Way or No Way bonus question, puwede siyang mag-uwi ng half a million pesos.