Hindi na nakakaranas ng lungkot sa puso ni Judy Ann Santos kaya naman tapos na ang mga drama niya noon na kapag heartbroken ay buong araw niyang iginugugol ang sarili sa pagluluto. Masasaksihan muli kasi si Juday sa bagong season ng Masterchef Junior Edition na mapapanood sa morning program ng ABS-CBN simula sa Nov. 12.
Masaya na kasi si Juday bilang Mrs. Ryan Agoncillo kaya finished na ang panahong nagluluto siya nang umiiyak.
“Wala, wala na. Kung meron man, siguro sa sibuyas na lang ako affected! Hahaha!” rason ni Juday.
Mas inuna niyang gawin ang reality cooking program kesa sa teleserye dahil ito ang unang naayos sa schedule niya. Mabigat din nga lang ang taping days ng programa kaya bawas muna siya sa pagtanggap ng pelikula except Si Enteng, Si Agimat & Me na una niyang natanguan.
“So, ’pag nagsyuting pa ako ng dalawang araw, paano na ang pagiging ina ko?” dugtong niya.
Sa pagkakaroon ng bagong show, na-feel na ba niyang binibigyan na siya ng importansiya ng Channel 2?
“Ikaw ang nagsabi niyan! Basta ako, sumusuweldo,” sabay natawa uli.
Tuloy pa rin ang teleserye niya sa Dos at ilan sa cast na kasama niya ay sina Coney Reyes, Jericho Rosales, KC Concepcion, Sam Milby, Jessy Mnediola, at iba pa.
Paano na ’yung movie nila ni Coco Martin?
“Hindi ko rin nga alam eh. Kasi ’yung bata…may oras pa ba siyang huminga? So, naghihintay pa rin sa akin,” tugon niya.
Eh ano ’yung balitang may movie sila ni Piolo Pascual?
“Piolo pa rin tayo? Hahaha!” balik-tanong ni Juday.
May plano ba talagang pagsamahin sila?
“Wala naman. Ahh, hindi…sa feeling ko, sa isang buong taon hindi naman nawawala ang tanong about a comeback movie with Piolo and hindi mo naman maiaalis ang mga tao na may questions about it. Pero now, siguro, hindi ko masagot eh. Parang wala. Hindi naman nao-offer eh. Wala kaming napag-uusapan,” paliwanag niya.
Gusto pa ba niyang makasama sa pelikula ang aktor?
“Gusto mo pa ba?” balik-tanong uli sa amin.
Eh ano naman ang feeling niya ngayong makakatapat niya sa festival sina Kris Aquino, AiAi delas Alas, at Vice Ganda?
“Masaya ’yon pero siyempre nakaka-tense! Magiging masaya kasi friends naman kaming lahat! Magiging masaya ang lahat dahil sa MMFF (Metro Manila Film Festival) this year! Masyadong makulay at punum-puno ng happiness ang mga pelikulang ipalalabas,” reaksiyon ng aktres.
“Gusto ko lang kumita ang pelikula namin dahil baka ’pag number two lang ito, ako ang sisihing dahilan. Huwag naman!”