Cong. Lani pumayag makipaglaplapan sa kontrabida!
Kakaiba ang deskripsyon ni Lani Mercado sa role niya sa pelikulang Flames of Love na sinulat at prinodyus ni Baby Nebrida. Ayon sa kanya, nakumbinse siya ng writer/producer na gawin ang role dahil ang konsepto ng pelikula ay pro-life, pro-God, pro-family.
Ang nakakagulat sa role ni Lani na napanood sa trailer ay ang pakikipaghalikan niya sa character actor na si Alvin Anson. Pinagpaalam niya ba ang eksenang ‘yon kay Sen. Bong Revilla, Jr.?
“Oo. Sinabi ko sa kanya na I’m doing an indie film. Actually, inimbita ko pa si Tita Baby sa birthday ni Senator Bong. Tapos, may scenes na kailangan ganito. Nagkataon na…Hayun, tapos na. Na-shoot na! Ha! Ha! Ha!” medyo nahihiyang sagot ni Congressowoman Lani na aming kinausap sa birthday party ni Ma’am Malou Choa Fagar ng Eat Bulaga.
Kinailangan kasi sa role niya ang makipaghalikan kaya ginawa niya ‘yon.
“Kasi ‘yung role niya, nagluko siya. Nag-cheat siya sa asawa niya! Pero it’s nicely done. Hindi siya bastos tingnan. Pag napanood ninyo ang buong pelikula, hindi siya malaswa. Saka hindi ako papayag kung malaswa ‘yon gagawin. Kasi nga, hindi bagay sa akin,” paliwanag ng aktres.
Kinaya niya ‘yon?
“Artista naman ako eh! Ha! ha! Ha! Kailangan kasing ibang level na ng portrayals ang ginagawa ko! Dahil siyempre, mature na tayo. Hindi na teeny bopper so kailangan ng ibang level ng pagtanggap ng pelikula. Pero hanggang doon lang tayo,” katwiran ng asawa ni Sen. Bong.
Napanood na ng asawa’t mga anak ang trailer ng movie.
“So sabi ko ( sa kanila), role lang ito, Hindi siya malaswa talaga!” diin ni Cong. Lani.
BIRTHDAY NI MALOU CHOA-FAGAR, MANINGNING
Sa nasabing party ni Ma’am Malou, maningning ang kaganapan dahil sa presence ng malalaking artista na pinangunahan nina Susan Roces at Helen Gamboa. Matapos ang teleserye nilang Walang Hanggan, sa nasabing party muling nagkita ang dalawang mahusay na aktres.
Nagbigay-pugay din sa may birthday ang long time friend niyang si Maricel Soriano na in fairness ay nagtagal sa party, huh! Present din ang iba pang alaga ng MCF gaya nina Phillip Salvador, Roderick Paulate, Anjo Yllana, Joey Marquez at Dos/Boy2 Quizon.
Dumating din si Lorna Tolentino pero mas nauna sa kanya ang dalawang binata na sina Rap at Renz Fernandez na kasabay si Maxene Magalona.
Siyempre pa, hindi nawala sa party ang friend ng Wednesday Club na si Senator Jinggoy Estrada. Sa mesa namin siya umupo kasama si Sen. Tito Sotto pati na ang senatoriables na sina Dick Gordon at Grace Poe Llamanzares.
Ilan pa sa bumati at nakisaya kay Ma’am Malou ay sina Lotlot de Leon, Diana Zubiri, Daiana Menesez and boyfriend Congressman Benjo Benaldo, Pancho Magno, Marichu Maceda, Allan K, Ogie Alcasid at marami pang iba.
- Latest