Kabilang ako sa mga nagsasabing hindi instant fan ni Daniel Craig bilang James Bond nung lumabas ang Casino Royale (20026) at Quantum of Solace (2008). Pero heto ngayon ang Skyfall at biglang kambiyo – bilib na kay Daniel!
Mabuti na lang at hindi napahiya ang ika-23 Bond film na eksakto pa sa golden anniversary ng higanteng franchise na sinimulan ng Eon Productions nung nag-Dr. No (1962) sila. Isipin n’yo na lang kung sumadsad ang idinirek na pelikula ni Sam Mendes. Apat na taon ang hinintay pagkatapos papalpak lang pala tulad sa Quantum of Solace? Tiyak na katakut-takot na panlalait ang aabutin ng Skyfall na mag-iiwan ng pangit na marka sa history ng classic nang spy film.
Nakabawi na ang Skyfall team kaya kahit dito rin sa pelikulang ito tinapos ang serbisyo ni Judi Dench bilang M, ang kaisa-isang babaeng boss ng organisasyong MI6, ay maluwag namang tinanggap ng mga nasanay na sa kanya. Magandang pamamaalam kumbaga. Dumaan sa kanya ang pitong James Bond flick mula GoldenEye.
Welcome na welcome naman ang kapalit niyang bagong M na gagampanan na ni Ralph Fiennes at pinangalanang Gareth Mallory. Sa bandang huli ng Skyfall ay ipinakita na sa kanya na nagre-report si Agent 007 at sekretarya na niya si Agent Eve Moneypenny (Naomie Harris) sa isang maliit na undeground na opisina. Malaki ang role ni Eve dahil siya ang katuwang ni Bond sa umpisa pa lang ng pelikula at dahilan ng semi-retirement ng bida matapos niyang mabaril. Malayo pa ang pagsasamahan ng grupo nila kung sila-sila pa rin ang ika-cast sa susunod na franchise.
Ang daming “first” dito sa ikatlong Bond role ni Daniel na pawang magagandang trivia. May tungkol sa baril na siya lang ang makakapagpaputok (ginaya yata sa Dredd 3D), sa pagbalik sa kotseng vintage, hint na tumatanda na siyang secret agent, hanggang sa kauna-unahang pagpapalabas ng pelikula sa IMAX (2D lang) at may pinakamaiksing pamagat (two syllables).
Pero ang nagpasindak sa akin ay lantaran nang naging gay/bisexual-friendly ang 007 franchise. In na in ang third sex.
Dito sa Skyfall, sa unang pagkakataon, ay nagkaroon ng AC/DC na kontrabida sa katauhan ng computer wiz-psycho na si Raoul Silva (Javier Bardem). Bakit “bi” siya at hindi lubos na bakla? Eh kasi babae niya ang magandang si Severine (Bérénice Marlohe) bago pa niya hinimas-himas ang legs ni Agent 007!
Ang isa pang kaduda-duda ang sexual preference ay ang computer-weapon genius na si Q (Ben Whishaw) na nakatulong kay Bond at sa MI6 na habulin si Silva. Oo nga’t hindi siya nakapang-molestiya o nag-swardspeak pero napaka-lamya naman niyang agent.
Punung-puno ng aksiyon ang Skyfall pero sa kabila ng pagiging cold ng mukha ni 007 ay nakitaan din siya ng emosyon nang magbalik sa balwarte ng kanyang mga yumaong magulang – ang tinatawag na Skyfall.
Sa Skyfall estate sa Scotland nagwakas ang kabaluktutan ni Silva at ang pagkamatay ng ex-boss niyang si M na itinuring niyang kaaway simula nang mahiwalay sa MI6.
Maganda at madrama ang ending. Last man standing siyempre si James Bond.
* * *
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com