Puwede nang magmalaki ang Kapamilya actor version ng Your Love ni Paulo, pinuri ng original na kumanta

May magandang mensahe para kay Paulo Avelino mula sa frontman-songwriter mismo ng bandang Alamid na si Gary Buena Ignacio dahil ang kantang Your Love na orihinal ng banda ay nagustuhan pala niya mismo. Si Paulo ang kauna-unahang gumawa ng remake ng kanta ng Alamid na sumikat nung dekada 90.

Pahayag ni Gary sa kanyang Facebook account: “pleasant surprise i just listened to paulo avelino’s version of your love....and you know what i liked it...ok version nya i recommend you listen to it....ok sya.”

Masaya na siguro si Paulo sa magandang feedback ni Gary. Napakaganda naman kasi talaga ng Your Love at kung aprubado pala ang version niya sa original singer nito ay pasado na ang boses ng Kapamilya actor sa tenga ng karamihan.

MGA NANOOD NG TIKTIK NAPAPA-HEADBANG

Panalo nga ang Tiktik: The Aswang Chronicles dahil naipakita na ni Dingdong Dantes at mga kasama niya na kaya nilang bumuo ng quality film na timplang Pinoy pero may panlasang international.

Marami pa ang natawa noong padating pa lang ang horror-fantasy-comedy movie ni Erik Matti dahil sa tawag na tiktik. Iba ang naiisip nila. Pero sa Visayas at Mindanao talaga ay tiktik ang tawag sa aswang. Ito ’yung mga pumupuntirya sa mga buntis. Kaya alam na alam ito ng mga taga-roon.

Baka sa sequel ay mga wakwak naman ang bibida. Ito naman ’yung mga uri ng aswang na lumilipad at tumatambay sa bubong. Bata’t matanda naman daw ang trip nila.

Anyway, kahit hindi maintindihan ang mga pigura ng halimaw na lumabas sa Tiktik, naiparating naman sa mga manonood ang kabilib-bilib na istorya at visual effects nito.

Ang isa pang panalo sa Tiktik ay ang scoring ni Von de Guzman na ginamit ang Pinoy rock. Pinakakilala ay ang Laki sa Layaw ni Mike Hanopol at ang Halik ni Hudas ng Wolfgang pero lahat ng ginamit na kanta ay bumagay sa takbo ng pelikula. Parang may-Hollywood feel na rin pero akmang-akma sa Pinoy hero na si Makoy (Dingdong).

Sa maniwala kayo’t sa hindi, may batang babae sa sinehan na napapa-headbang! At tuwang-tuwa siya sa mga napapatay na tiktik. Naaliw naman ang parents niyang katabi dahil hindi sila nagkamali ng pinanood.

Sa mga gumanap na kalaban, si Roi Vinzon ang swak na finalé. Matapos ang ilang taong hindi napanood si Roi, eto at isa siya sa mga highlight ng Tiktik. Walang kupas ang dating! Binagayan din ang mga eksena niya ng all-Pinoy soundtrack.

***

May ipare-rebyu?

E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments