Puwede bang ireklamo kung nasa ibang bansa?
Dear Attorney,
Maari bang ireklamo ng concubinage ang isang taong nangangaliwa pero nasa ibang bansa po siya at doon niya ginawa ang panloloko sa asawa niya? — Gerlyn
Dear Gerlyn,
May tinatawag tayong territoriality principle kung saan mapaparusahan lamang ang isang gumawa ng krimen sa ilalim ng ating batas kung ginawa niya ang krimen sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
May mga exception sa territoriality principle kung saan maaring maparusahan ang isang tao kahit nangyari ang krimen sa labas ng Pilipinas katulad ng paggawa ng krimen habang nasa isang barko ng Pilipinas, pamemeke ng pera ng ating bansa, o paggawa ng krimen na labag sa ating national security.
Dahil wala naman ito sa mga exceptions, maari lamang maparusahan ang isang guilty ng concubinage kung ginawa niya ito sa loob ng Pilipinas. Kung ayon sa iyo ay sa ibang bansa ginawa ang concubinage ay hindi siya mapapanagot sa ilalim ng ating batas.
Gayunpaman, may tinatawag na psychological violence sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act of 2004. Maaring maging basehan ng kriminal na reklamo ang psychological violence, na maaring dulot ng pangangaliwa.
Dahil ang isa sa mga elemento ng psychological violence ay ang mental suffering o hinagpis na pinagdudusahan ng isang asawa, maaring ireklamo ang isang nangaliwang asawa ng psychological violence kahit pa siya’y nasa ibang bansa at doon niya ginawa ang pangangaliwa, kung ang epekto nito na mental suffering sa kanyang kabiyak ay naganap naman dito sa Pilipinas.
- Latest