P29 milyong Marijuana nasabat sa Tondo

MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P29 milyong halaga ng marijuana (kush) ang nakumpiska sa isinagawang interdiction operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Manila International Container Port (PDEA-MICP) at Bureau of Customs, sa MICP, Tondo, Maynila nitong Biyernes ng hapon, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa ulat ng PDEA-Regional Office National Capital Region, alas- 3:15 ng hapon ng Marso 7, 2025 nang madiskubre ang iligal na droga sa Designated Examination Area (DEA), Container Facility Station 3 (CFS3), MICP.
May kabuuang 43 vacuum sealed transparent plastic bag ng marijuana na tumitimbang ng 20,890 katumbas ng standard drug price na P29,246,000.00.
Nakatago ang marijuana packs sa 2 balikabayan boxes na nagmula sa Canada at ng idaan sa X-ray examination ang mga kahon sa Bureau of Customs Inspector ay dito na nakita ang mga kahina-hinalang mga epektos na nagpositibo sa K9 inspection.
Nang buksan ng mga operatiba ay lumantad ang selyadong pakete ng marijuana.
Samantalang ang shipper, receiver, at forwarding na kumpanya na sangkot ay natukoy naman kaya inihahanda na ang isasampang mga reklamo laban sa mga ito.
- Latest