Social pension funding sa indigents seniors, itinulak ni Bong Go
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa gitna ng deliberasyon ng Senate finance committee para sa budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aksyonan ang malaking bilang ng mahihirap na senior citizen na nasa waitlist ng social pension program.
Ginawa ni Go ang panawagan dahil na rin sa pagtaas ng budget para sa social pension program para sa senior citizens.
Para sa susunod na taon, sinabi ni Go na ang budget para sa social pension ng indigent senior citizens ay P49.8 billion. Ito ay sumasalamin sa pagtaas ng monthly pension mula 500 hanggang 1,000, sa ilalim ng Republic Act No. 11916, na siya ang co-author at co-sponsor.
Pinukaw ang atensyon ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at iba pang opisyal na naroroon, idiniin ni Go na mahalaga ang naturang pensiyon, lalo sa OFWs na madalas magtanong tungkol sa kanilang mga karapatan sa pagbabalik sa Pilipinas.
Nag-aalala si Go dahil malaking bilang ng mga senior citizen o umaabot sa 466,000 na karapat-dapat para sa pensiyon ang nananatili sa waitlist at ang bilang na ito ay inaasahang tataas sa 600,000.
Binanggit ni Go na P5.8 bilyon ang inilaan sa unprogrammed appropriations at kabilang sa backlog ay senior citizens na naghihintay ng kanilang mga pension.
Bilang tugon, kinumpirma ni Director Sofia Abad ng Department of Budget and Management na ang probisyon para sa mga naka-waitlist na senior citizen ay kasama sa kanilang unprogrammed appropriations, ngunit ang pagpapatupad nito ay napapailalim sa pagkakaroon ng labis na koleksyon ng kita.
Kinumpirma naman ni Gatchalian na nakagawa na ng pormal na kahilingan ang departamento sa DBM na pondohan ang mga karagdagang senior citizen sa waitlist. Nilinaw niya na hindi kontrolado ng DSWD ang pagpapalabas ng mga hindi nakaprogramang pondo.
- Latest