Alice Guo, pwedeng maging state witness! – DOJ
‘Pag natukoy ‘utak’ ng POGO sa Bamban
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na maaaring maging “state witness” ang pinatalsik na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung lalabas sa isinasagawang imbestigasyon na may mastermind o mas malaking taong nasa likod ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
“If for example, may makita tayong mas malaking tao sa investigation, hindi na magiging most guilty si former Mayor Alice Guo,” ani DOJ spokesperson Asec Mico Clavano sa news forum sa Quezon City.
Sa kasalukuyan, si Guo ang lumalabas na “most guilty” kung kaya hindi maaaring gawin siyang state witness.
Isa pang kailangan para tumayong state witness si Guo, ay depende kung makikipagtulungan siya sa mga awtoridad.
Una nang sinabi ni Clavano na hindi ipagwawalang-bahala at kailangang imbestigahan din ang sinabi ni Guo kay DILG Secretary Benhur Abalos na naka-post sa Facebook account nang puntahan sa Jakarta, na “Sec, patulong. May death threat po kasi ako” na sinasabing dahilan ng pagpuslit nito palabas ng Pilipinas.
Sa nasabing forum nitong Sabado, kinumpirma ni Abalos na ibinunyag na ni Guo na may malalaking tao na sangkot sa sindikato ng POGO at nanganganib ang kaniyang buhay, kaya pinayuhan niya na isiwalat na ang lahat ng nalalaman at bibigyan naman siya ng proteksyon ng gobyerno.
“Lahat ng alam niya ibuga niya, sabihin niya sa Senado. Sabihin niya sa mga otoridad,” ani Abalos.
Nahaharap si Guo sa reklamong money laundering at human trafficking na nag-ugat sa iligal na POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Naibalik si Guo sa bansa nitong madaling araw ng Biyernes.
- Latest