Crossovers umaasang mareresolba ang isyu kay Laure
MANILA, Philippines — Pinaplantsa ng pamunuan ng Chery Tiggo ang isyu nito kay outside hitter Eya Laure ilang araw bago magsimula ang Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Nobyembre 9.
Ito ang inihayag ni Crossovers team manager Aaron Velez matapos magsulputan ang bali-balitang lilisanin na ni Laure ang kampo ng Chery Tiggo.
Umaasa si Velez na maaayos ang lahat bago pa magsimula ang liga.
“Status lang namin ngayon kay Eya Laure it’s still under negotiation. Hopefully, we could actually resolve this amicably. We look after also yung welfare ni Eya and hopefully ma-resolve nga ito ng meet halfway for both parties,” ani Velez.
Napaulat na hiniling ni Laure na ma-release ito sa team na agad namang pinagbigyan ng Crossovers.
Subalit nakasaad sa kontrata ang “non-compete clause” kung saan hindi ito maaaring lumipat sa ibang team sa loob ng isang taon.
“I can’t really say yun nga na mutual kasi sa any breakup naman, talagang meron yan mga masalimuot na pinagdadaanan. Pero hopefully ma-resolve siya nang maayos,” ani Velez.
Pahihintulutan ng PVL na makapaglaro si Laure sa ibang teams sa oras na maayos na ang isyu nito sa pamunuan ng Crossovers.
Maaari lamang lumipat si Laure sa ibang team sa oras na mabigyan ito ng clearance ng Chery Tiggo.
Kung walang clearance ng Crossovers, kailangang maghintay ni Laure ng isang taon bago makalipat sa bagong team.
Nauna nang namaalam sa Chery Tiggo ang kapatid nitong si EJ Laure at libero Buding Duremdes.
- Latest