‘Alulong’ (PART 5)
Hindi ako makapaniwala sa nangyari sa aking pinsan na sinaksak ng holdaper. Naglalakad ang aking pinsan isang gabi galing sa unibersidad nang holdapin at nang ayaw ibigay ang relo at iba pa, sinaksak ito. Patay na nang dalhin sa ospital.
Naaresto naman ang holdaper na pumatay sa aking pinsan.
Ang akala ko, wala nang mangyayaring masama. Ang akala ko, hindi na aalulong ang alaga naming si Blackie.
Pero nagkamali ako. Anim na buwan makaraan ang nangyari sa aking pinsan, muling umalulong si Blackie sa dis-oras ng gabi.
At muli na naman kaming sinaklot ng takot. May namatay na namang malapit na kaanak?
Halos magdamag umalulong si Blackie. Mas nakakapangilabot ang alulong.
Kinabukasan, nakarating sa amin ang balita na ang kapatid ni Mama ay namatay—atake sa puso!
Nalungkot kami nang labis. Mabait kasi si Tiyo Rene. Hindi inaasahan ang bigla niyang paglisan.
Mula nang mangyari iyon, naisip ko, hindi kaya dapat nang mawala si Blackie? Dapat na ba namin siyang ipamigay para wala nang aalulong?
(Itutuloy)
- Latest