Gojo Cruz bumida uli sa Altas
MANILA, Philippines — Dumiretso ang University of Perpetual Help System DALTA sa ikalawang sunod na ratsada matapos takasan ang Arellano University, 69-67, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Naglista si rookie guard Mark Gojo Cruz ng 20 points, 3 rebounds at 3 steals para sa 2-0 kartada ng Altas at sosyohan sa liderato ang St. Benilde Blazers at San Sebastian Stags.
Nagdagdag si big man JP Boral ng 11 markers kasama ang krusyal na three-point shot sa huling 48.3 segundo ng fourth quarter.
“I’m expecting this kind of game dito sa NCAA. Lahat ng games ganito kaya kailangan we have to grind out a win,” ani coach Olsen Racela.
Ito naman ang pangalawang dikit na kamalasan ng Chiefs.
Bitbit ang 37-33 halftime lead, umarangkada ang Perpetual sa third period para ilista ang 12-point lead, 57-45.
Unti-unting nakabalik sa laro ang Arellano at naagaw ang 65-62 kalamangan sa huling minuto ng fourth quarter.
Nakabawi ang Perpetual at kinuha ang 68-65 abante tampok ang triple ni Borral sa natitirang 48.3 segundo.
Mintis ang dalawang free throws ni Cyril Hernal sa huling 3.2 segundo na siya sanang nagpanalo sa Chiefs.
Sa unang laro, sumampa ang Letran College sa win column matapos talunin ang Jose Rizal University, 70-62.
- Latest