Bahay nilooban ng 5 nagpakilalang PDEA agent
MANILA, Philippines — Isang bahay ang nilooban ng limang lalaki na nagpanggap bilang miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at tinangay ang hindi pa matukoy na halaga ng pera sa San Pedro City, Laguna noong Miyerkules ng madaling araw.
Itinago ng pulisya ang pangalan ng siyam na biktima na limang babae at apat na lalaki dahil sa pag-iingat sa seguridad at posibleng paghihiganti ng mga suspek.
Karamihan sa mga biktima ay nasa buy and seller activities at sales consultant, guro, empleyado ng gobyerno at isang estudyante.
Ayon sa ulat ng pulisya, alas-3:39 ng madaling araw ay kumatok ang limang lalaki na nagpakilalang mga ahente ng PDEA sa bahay ng pamilya Araya sa San Bartolome, Phase 2, Barangay Pacita 1, San Pedro City, Laguna para umano maghain ng warrant of arrest.
Agad naman pinapasok ng pamilya ang mga nagpakilalang PDEA, subalit nang makapasok ay agad na silang iginapos at dinala sa isang silid.
Kinuha ng mga suspek ang lahat ng personal na gamit ng mga biktima, at iba pang mahahalagang bagay kabilang ang hindi matukoy na halaga ng pera bago nila iniwan ang mga biktima na nakagapos sa silid na agad tumakas.
Kasalukuyang nagsasagawa ng back-tracking investigation ang pulisya at hinahanap nila ang mga available na CCTV footage sa lugar upang suriin at makuha posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin.
- Latest