Boxers mula sa Vietnam, Monaco makikipagsanay sa Pinay pugs

MANILA, Philippines - Nasa bansa ngayon ang women’s boxing teams ng Vietnam at Monaco para magsagawa ng pakikipagsanay sa lady boxers ng Pilipinas.

Dumating ang 10-kataong Vietnam delegation at 12-kataong Monaco delegation sa bansa noong Huwebes at dumiretso na sila sa Baguio City upang dito isagawa ang pagsasanay na magtatagal sa loob ng isang buwan.

Lumiham ang sports ministers ng dalawang bansa sa Philippine Sports Commission (PSC) at Association of Boxing Al­liances of the Philippines (ABAP) upang mapaunlakan ang kahilingan na mag-ensayo sa bansa.

“Ang biyahe ng Vietnam at Monaco ay sarili nilang gastos at ang role ng PSC ay bigyan sila ng accommodations sa PSC facilities sa Baguio pati ang paggamit ng gym. The plan is for them to train with the national boxers until April 16, but they might extend it if they want to,” wika ni PSC executive director Guillermo Iroy Jr.

Ang Vietnam ay mayroong Memorandum of Agreement sa Pilipinas para magkatulungan sa sports development.

Walang ganitong kasunduan ang Pilipinas at Monaco pero maganda ang relasyon ng dalawang bansa matapos magkaugnayan ng personal sina PSC chairman Ricardo Garcia at Monaco head na si Prince Albert II sa idinaos na World Peace and Sports Congress noong nakaraang taon. (ATan)

 

Show comments