12 tips para puno ng positive vibes ang 2025!
Ang bawat taon ay puno – di lamang ng tagumpay -- kundi maging ng mga aral at hamon. Ngayong 2025, muli nating sabay yakapin ang tagumpay at kabiguan dahil dito natin mas makikita ang ating galing at tibay. Para sa akin, ang mga aral ng 2024 ang mas nagpatatag pa ng aking pagkatao.
Higit sa lahat, natutunan ko ang halaga ng tibay ng paniniwala – sa ating sarili, sa Diyos, at sa mga taong inilalagay Niya para umalalay sa atin. Minsan, ang sagot sa ating mga panalangin ay hindi dumarating bilang malalaking himala. Minsan, ito’y nasa maliliit at tahimik na suporta ng iba, ng ating pamilya, kaibigan, o mentor. Parang sila ang instrumento ng Diyos na nariyan upang gabayan, suportahan, at ipaalala sa atin na hindi tayo nag-iisa sa ating paglalakbay.
Kailangan nating magtiwala na nasaan man tayo ngayon, ito ang tamang lugar para sa atin, at mayroon tayong sapat na kakayahan upang magtagumpay at harapin ang mga pagsubok. Kayo rin po sana, mga KasamBuhay, ay hindi mawalan ng ganang ipaglaban ang ating mga pangarap ngayong taon.
Isa sa mga mahahalagang milestone na hindi ko malilimutan sa nagdaang taon ang appointment ng Commission on Higher Education (CHED) para ako’y maging bahagi ng kanilang Technical Panel for Broadcasting, Communication, and Journalism (TPBCJ). Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapag-ambag sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga media professional.
Pero kapag pinag-uusapan natin ang self-improvement, hindi lamang ang ating career at trabaho ang ating dapat tingnan, kung hindi pati na rin ang pagpapatibay ng ating mga relasyon sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.
Narito ang 12 tips na nagsilbing gabay sa akin, at sana’y magbigay-inspirasyon din sa inyo ang mga ito para harapin ang mga darating na buwan nang ganado, positibo at puno ng inspirasyon!
Para mas tumibay ang buhay-ispirituwal
1. Laging magpasalamat sa bawat araw: Maglaan ng sandali bawat araw upang bilangin ang iyong mga biyaya. Ito ay nagbibigay-saya at tumutulong para magkaroon ng positive vibes.
2. Maglaan ng tahimik na oras para sa sarili: Sa pamamagitan ng panalangin, meditasyon, o simpleng pagninilay, makatutulong ito sa pagkakaroon ng pansariling kapayapaan.
3. Tumulong at ibahagi sa iba ang iyong mga biyayang natanggap: Maging volunteer o mentor, at tumulong sa mga nangangailangan.
Para mas sumidhi ang passion at dedikasyon sa trabaho
4. Magtakda ng mga target -– mga layuning pangmatagalan o long-term, at yung short-term o mas madaling abutin --- para hindi mawala ang iyong gana o motibasyon.
5. Mag-aral ng mga bagong bagay at huwag matakot na lumabas sa iyong comfort zone. Tuklasin ang mga larangan o skills na hindi pa pamilyar pero interesado kang alamin.
6. Piliing makisalamuha sa mga taong positibo ang pananaw at nagbibigay-inspirasyon sa iyo: Huwag magpa-apekto sa mga taong mahilig kumontra at negatibong mag-isip.
Para sa mas magandang relasyon sa pamilya’t mga kaibigan
7. Bigyan ng prayoridad ang quality time kasama ang pamilya.
8. Magkaroon ng maganda at tapat na komunikasyon sa iyong mga mahal sa buhay.
9. Sama-samang sumubok ng mga bagong bagay na pwedeng maging bonding ng pamilya.
Para magkaroon ng growth mindset
10. Yakapin ang mga pagkakamali at hanapin ang aral sa mga ito: Bawat pagkakadapa ay pagkakataon para matuto at tumibay.
11. Labanan ang negatibong pag-iisip: Laging magkaroon ng tiwala sa sarili. Palitan ang pagdududa ng positive affirmations, at maging proud sa mga bagay na nagpapatatag sa iyo.
12. Progress, hindi perfection, ang mahalaga: Mag-focus sa kung ano ang nais mong marating, at pahalagahan ang paglalakbay patungo sa pangarap mong destinasyon.
Ngayong taon, maglaan tayo ng panahon para planuhin ang daang iyong tatahakin para sa isang balansiyadong buhay – mula sa pamilya, career, spiritual life, at maging sa self-love. Harapin natin ang 2025 nang may pag-asa, pasasalamat, at pangarap.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Magpadala ng iyong mga kuwento, tanong at rekomendasyon sa [email protected].
- Latest