Isang tulog na lang, balasa na ang malas
NAPAKAMALAS nitong 2024 para sa maraming Pilipino.
Matinding tag-init nu’ng unang anim na buwan dahil sa El Niño. Nahilo ang mga bata at guro sa eskwela. Nasira ang mga pananim. Nangayayat ang mga manok. Mabilis kumalat ang virus ng African Swine Fever.
Naging mahal ang pagkain. Humina naman ang hanapbuhay.
Sobrang bagyo nu’ng ikalawang anim na buwan. Lima doon ay nagpabaha sa Luzon at Visayas. Nag-alboroto pa ang mga bulkang Taal sa Batangas at Kanlaon sa Negros. Lalong wasak ang mga tanim na palay, mais, tubo, buko, saging, manga, pinya at gulay. Bagsak ang huli at ani ng isda.
Taon 1972 nu’ng huling malasin nang ganito ang Pilipinas, ani ekonomistang Prof. Emmanuel Leyco. Winasak ng bagyo ang buong Luzon. Mga kabataan ang tumulong sa mga maralitang nasalanta. Nagngitngit ang mga aktibista. Ginawa itong dahilan ni President Ferdinand Marcos Sr. para mag-martial law. Binusalan ang madla.
Hindi na martial law ang solusyon ni President Ferdinand Marcos Jr. sa indulto nitong 2024. Para sa kanya, dapat angkatin lahat: bigas, mais na patuka, asukal, pagkaing dagat, poultry, karne, prutas, at gulay.
Madaling mangakong aangkat ng pagkain. Pero kailangan ng dolyar para du’n. Ang pumapasok lang na foreign exchange ay mga remittance ng overseas workers. Bagsak ang ibang exports ng bansa.
Dahil du’n, nagmamahal din ang imports ng pagkain. Ang pangako ni BBM na beinte pesos na bigas ay P60 pa rin kada kilo.
Kailangan paunlarin ang agrikultura, ani Prof. Leyco. Dapat puhunanan ito ng infrastructures: kalye, tulay, sasakyan, komunikasyon, patubig, kontrabaha. Pero ninanakaw ng mga pulitiko ang pondo.
Kaymalas natin. Gawa ng kalikasan at tao ang mga sakuna. Dapat ayusin ang sistema. Tanggalin ang mga tiwali. Baguhin pati sarili.
- Latest