^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Palpak na giyera laban sa droga

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Palpak na giyera laban sa droga

NOONG Pebrero 2016, sinabi nang noon ay Davao City mayor Rodrigo Duterte na na kapag nanalo siyang Presidente sa May 9, 2016 elections, kaya niyang lutasin sa loob ng anim na buwan ang problema sa illegal drugs.

Sabi ni Duterte sa pag-i-interview ng yumaong broadcaster Mike Enriquez, “Sinasabi ko sa taongbayan, kung gusto n’yo ng malinis ang bunganga, very civil, very courteous, doon na kayo! Pero kung gusto n’yo naman ‘yung nagmumura pero tinutupad ang pangako, I will deliver. In three to six months, I will stop drugs and criminality.”

Nanalo si Duterte noong May 9 elections dahil marahil sa ipinangakong lulutasin ang problema sa illegal drugs at corruption. Nang maupo na siya, pinakilos niya ang kapulisan. Nagkaroon ng “Oplan Tokhang” kung saan binabahay-bahay ang pinaghihinalaang drug pusher at addict at kakatukin. Maraming napatay na drug suspect sa “Oplan Tokhang” na ang implementor ay si dating PNP chief Ronald dela Rosa, ngayon ay se­nador. Nasa 6,000 umano ang napatay pero ang sabi ng human rights group, aabot sa 30,000 ang biktima ng extra-judicial killings (EJKs).

Kung paniniwalaan ang mga siniwalat ni dating­ police colonel at PCSO general manager Royina Garma, may “reward system” si Duterte kung saan makatatanggap ng P20,000 hanggang P1-milyon ang mga pulis na makakapatay ng drug suspects. Pinauudyukan umano sa mga pulis na lumaban ang drug suspects para may dahilan na barilin.

Noong Abril 2022, dalawang linggo bago ang May 9 Presidential elections, inamin ni Duterte na nagkamali siya nang ipangako na kayang lutasin ang problema sa ilegal na droga sa loob ng anim na buwan. “Sinasabi ko I can clean it in six months. Then after that, I realized na nagkamali talaga ako,” sabi ni Duterte. Malaki raw talaga ang problema sa droga sapagkat ayon sa kanya, anim na heneral ng PNP ang sangkot sa ilegal na droga.

Aminado naman si Duterte sa pagkakamali sa kam­panya laban sa illegal na droga. Ang kabiguan ng Duterte administration ay sinang-ayunan ng Dangerous Drugs Board (DDB) nang humarap sa House Committee on Human Rights kamakailan. Ayon kay Committee Chair­person Benny Abante, sa kabila ng maigting na drug campaign ng Duterte administration, walang naging pagbaba sa bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga. Sa datos ng Dangerous Drugs Board Policy Studies, Research and Statistics Division, 4.5 percent lang ang ibinaba ng drug users mula 2016 hanggang 2019 at 11 percent lang mula 2019 hanggang 2023.

Palpak ang drug campaign ni Duterte. Ang masakit, maraming napatay sa kampanya na napagkamalan lang. Naging biktima ng mga pulis na uhaw sa dugo at reward money.

DRUGS

ILLEGAL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with