Simulan ang paghahanda sa La Niña

KAMAKAILAN, idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astonomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng “wet season” kasunod na rin ng ilang araw na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Inanunsyo rin ng ahensiya ang inaasahang pagpasok ng La Niña sa Agosto. Matapos ang matinding hagupit ng tag-init na nagresulta sa pagkatuyot ng lupa sa maraming probinsya at pagkabitak-bitak ng mga lupang sakahan, susunod naman ang panahon ng madalas na pag-ulan.

Tinatayang mayroong 8 hanggang 17 tropical cyclones ang papasok sa bansa sa mga susunod na buwan hanggang Oktubre, at malalakas na mga bagyo naman ang mararanasan sa huling quarter ng 2016.

Maganda ang ginawang ito ng PAGASA na maagang pag-aanunsyo ng inaasahang pagdating ng masamang panahon. Dahil sa maagang babala na ito, binibigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan lalo’t higit ang lokal at pambansang pamahalaan na lubos na makapaghanda at maiwasan ang malalaking pinsala.

Ngayon pa lamang ay maaari na nating kumpunihin ang mga butas sa bubong, sira sa pader at ibang bahagi ng tahanan upang masiguro na magiging matibay ito laban sa hampas ng hangin at pagbagsak ng ulan.

Maaari na nating itago ang mga mahahalagang gamit at mga dokumento sa ligtas na lugar at magtabi ng mga rescue kits at disaster evacuation bags upang mas maging mabilis ang paglikas sakaling hingin ng pagkakataon.

Ngayon pa lang ay maaari nang ilatag at ipagbigay-alam sa mga mamamayan ang sistema ng pagpapalikas at pamamahagi ng tulong gayundin ang pagtukoy ng mga evacuation center sa ating mga lugar at barangay na magiging pansamantalang ligtas na tuluyan ng mga pamilyang apektado ng pagbaha at mga bagyo.

Maaaring hindi tayo makakaiwas sa banta ng La Niña ngunit sa maagang paghahanda ay maililigtas natin ang ating mga sarili, mga mahal sa buhay at ating mga pinaghirapang ari-arian mula sa trahedya. Tumugon tayo sa paalala at sa impormasyong ibinibigay sa atin ng PAGASA para na rin sa ating kabutihan.

Show comments