MANILA, Philippines - Nanatiling number 1 sa klase si Stephanie Nicole Ella, ang 7-anyos na nasawi dahil sa ligaw na bala noong pagdiriwang ng Bagong Taon.
Nabatid lamang ito kahapon ni Aquilino Ella Jr., 30, tatay ni Nicole buhat sa mga guro at kaklase nito sa Grade 1, Section One-Camia ng Tala Elementary School makaraang bumisita ang mga ito sa burol ng anak.
Sinabi ni Aquilino na dala ng mga ito ang report card ni Nicole na nagpapatunay na nananatili itong number 1 sa klase, gayunman ang lahat ng ito ay wala na umanong saysay pa.
Kahapon sabay-sabay na nagmartsa ang mga kaklase at schoolmates ni Nicole buhat sa kanilang paaralan patungo sa burol ng bata sa kanilang tahanan sa San Lorenzo Ruiz St. sa Brgy. 185 para makisimpatiya sa pamilya.
Kasabay nito muling umapela si Aquilino sa mga awtoridad na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para maresolba ang kaso at mabigyan hustisya ang pagkamatay ni Nicole.
Plano ng pamilya Ella na ilibing si Nicole sa Bulacan sa Biyernes o Sabado.
Samantala, kinasuhan na kahapon sa tanggapan ni Caloocan City Assistant Prosecutor Nida Gravino ang apat na kapitbahay ni Nicole kabilang ang dating militar na nauna nang kinuwestiyon ng pulisya dahil sa pagpapaputok ng baril noong Bagong Taon.
Kasong alarm and scandal ang tinanggap sa piskalya laban kina Juan Agus, may-ari ng .45 cal. pistol at kanyang mga kainuman na sina Feliciano Circano, Arcadio Golmatico Jr. at Eddie Magtubo. Isang libong piyansa bawat isa ang inirekomenda para sa nabanggit na kaso.
Nabatid na kamakalawa ng gabi ay dinakip ang grupo ni Agus matapos malaman na nagpaputok malapit sa lugar kung saan tinamaan ng ligaw na bala si Nicole
Matapos ang isinagawang pagsusuri ng PNP Crime Lab, napatunayan na hindi sa baril ni Agus nanggaling ang bala na pumatay sa biktima.
Samantala, ipinakakansela na ni PNP-Firearms and Explosives Division (PNP-FED) Director P/Chief Supt. Raul Petrasanta ang lahat ng lisensiya ng baril ni Agus.
Lumalabas sa pagsisiÂyasat , na tatlo ang mga armas ni Agus na kinabibilangan ng isang cal 22 pistol, isang cal 9mm at ang cal 45 na ginamit nito at ng kanyang tatlong mga kainuman sa pagpapaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Nakapagtala ang pulisya ng kabuuang 242 loose firearms sa komunidad ni Nicole.
Ayon kay Chief Supt. Petrasanta, na binigyan na ng kautusan ang Caloocan City police na magsagawa ng operations laban sa mga may-ari ng naturang loose fireÂarms na namonitor sa Malaria Compound sa Brgy. 185 sa Tala, Caloocan City na tinitirhan ng pamilya ni Nicole.
Sinabi nito na sa 242 firearms na may expired license, 138 dito ay nakarehistro sa ilalim ng RPD Security Agency, habang 104 ay nakalista sa mga indibiduwal. May mga indibiduwal din umano na may dalawa hanggang tatlo ang inirehistrong baril sa ilalim ng kanilang pangalan, kagaya ng kay Agus. (Dagdag na ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)