Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Kristine, isang tipikal na probinsyanang nangangarap na yumaman balang araw.
May nakilala akong lalaki na nagpakilalang negosyante. Guwapo siya at magara siyang manamit kapag umaakyat ng ligaw dito sa amin sa Tuguegarao, Cagayan.
Dahil dito’y nabighani ako sa kanya kaya sinagot ko sa pag-aakalang siya ang hahango sa akin at sa pamilya ko sa kahirapan. Mga magbubukid lang kasi ang mga magulang ko.
Nagpakasal kami sa huwes at sinabi niyang engrande ang magiging kasal namin sa Maynila. Tuwang-tuwa naman ang magulang ko.
Dinala niya ako sa Maynila pero laking gulat ko nang itinira niya ako sa squatters area.
Dalawang taon na kami ngayon at may dalawang anak. Mahal ko naman siya pero naiinis ako tuwing maaalala ko ang pagpapanggap niya. Puwede ko ba siyang hiwalayan?
Kristine
Dear Kristine,
Sinasabi mong mahal mo naman pala siya eh bakit mo siya hihiwalayan? Pero alam mo, ‘yung panlilinlang at pagpapanggap niya ay puwedeng maging ground para ma-annul ang inyong kasal.
Pero alam mo bang malaking halaga ang kakailanganin mo kung gagawin mo iyan?
Kaya magtiis ka na lang makisama sa kanya kung kaya mo at magsilbing leksyon sa iyo na hindi puwedeng pagsamahin ang matayog na ambisyon at pag-ibig.
Dr. Love