MANILA, Philippines - Tanggap ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang bagong chief negotiator na itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III na si UP Professor Miriam Ferrer.
“She deserved it and is capable to handle the task, besides her being the vice chairwoman of the government peace panel right now. I wished her luck and looked up for more strides in the talks under her stewardship,” ani MILF chief peace negotiator Mohagher Iqbal.
Si Prof. Ferrer ang ipinalit ni PNoy kay UP Law Dean Marvic Leonen na isa na ngayong Associate Justice ng Korte Suprema.
Ayon kay Iqbal, hindi siya nababahala kung isang babae ang kanyang maging kaharap sa negotiating table, pero inihayag niyang sa tradition ng Moro “(men are) not supposed to argue with women.”
Iginiit niyang hindi argumento at debate ang negosasyon dahil diskusyon lamang ito para magkasundo ang magkabilang kampo sa ilang mga isyu.
Magugunita na si Prof. Ferrer ang napili ni Pangulong Aquino na kapalit ni Dean Marvic Leonen dahil miyembro na din ito ng peace panel na siyang bumalangkas ng framework agreement na inayunan din ng MILF.