Eala top seed sa Portugal

MANILA, Philippines — Hindi na daraan pa sa qualifying round si Alex Eala upang makapasok sa main draw ng 2025 Oeiras Ladies Open na idaraos sa Abril 14 hanggang 20 sa Portugal.
At malaking dagdag sa kumpiyansa ni Eala dahil ito ang top seed sa torneo base sa ranking nito sa WTA.
Kasalukuyan itong nasa ika-73 sa world rankings kung saan malaking tulong ang pag-abot nito sa semifinals ng prestihiyosong Miami Open.
Ngunit hindi magiging madali ang lahat kay Eala dahil mapapalaban ito sa iba pang seeded players na nagnanais din umangat sa world sa rankings.
Ilan dito si Katie Volynets ng Amerika na siyang second seed sa torneo na nasa No. 80 gayundin sina Elisabeta Cocciaretto ng Italy, Anna Bordar ng Hungary, Viktoria Golubic ng Switzerland, Yuan Ye ng China, Nuria Parrizas Diaz ng Spain at Sorana Cirstea ng Romania.
Kaya naman naghahanda na si Eala upang maging maganda ang ratsada nito sa kanyang unang clay tournament sa season na ito.
Nag-post si Eala ng video na nasa clay court ito upang sumalang sa pukpukang ensayo bago ang Portugal tournament na may nakalaang mahigit $160,000 premyo.
Ang Portugal meet ay bahagi rin ng paghahanda ni Eala para sa 2025 French Open na hahataw sa susunod na buwan sa Paris, France.
Kasama rin sa lalahukan ni Eala ang Mutua Madrid Open na lalaruin naman sa Madrid, Spain sa Abril 22 hanggang Mayo 4.
- Latest