TNT may signal pa!

Humirit ng rubber match
MANILA, Philippines — Gusto pang maglaro ng Tropang Giga sa Game Seven.
Binalikan ng TNT ang Barangay Ginebra sa Game Six, 87-83, para itabla sa 3-3 ang kanilang Season 49 Commissioner’s Cup championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtabla sa kanilang best-of-seven showdown, pag-aagawan ng Tropang Giga at Gin Kings ang korona bukas sa isang ‘winner-take-all’ match.
“I said let’s just grab this opportunity,” ani coach Chot Reyes. “Go out there play hard. If we lose, we lose but at least we’re not going to go down without a fight. Credit to the guys, they just gave it all.”
Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng 29 points, 13 rebounds, 6 assists at 3 steals para banderahan ang TNT habang may 23 at tig-14 markers sina Rey Nambatac, Calvin Oftana at Poy Erram, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni import Justin Brownlee ang Ginebra sa kanyang 22 points, 7 boards at 4 assists at may tig-12 markers sina Scottie Thompson at RJ Abarrientos.
Mula sa 63-62 abante sa third quarter ay itinayo ng Tropang Giga ang isang 10-point lead, 72-62, sa 8:46 minuto ng fourth period na naputol ng Gin Kings sa 79-80 mula sa jumper ni Brownlee sa huling 1:05 minuto.
Ang dalawang free throws ni Hollis-Jefferson sa natitirang 45.1 segundo ang muling naglayo sa TNT sa 82-79.
Huling nakalapit ang Ginebra sa 83-85 galing sa three-point shot ni Thompson sa huling 10.5 segundo
Personal na pinanood ni veteran guard Jayson Castro ang Tropang Giga sa Big Dome bagama’t nasa isang 12-month recovery period matapos ang surgery sa kanyang kanang tuhod.
- Latest