Petro Gazz sinibak ang ZUS Coffee

MANILA, Philippines — Humataw si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 24 points mula sa 22 attacks para gabayan ang Petro Gazz sa 25-21, 25-19, 25-23 pagpapatalsik sa ZUS Coffee sa Game Three papasok sa semifinals ng 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagdagdag si MJ Phillips ng 10 markers at may 20 excellent sets si Chie Saet para itiklop ng Gazz Angels sa 2-1 ang kanilang best-of-three quarterfinals series ng Thunderbelles.
“We just challenged ourselves and we’re able to be together as a team,” wika ng 27-anyos na si Van Sickle na bumandera rin sa kanilang pagtabla sa Game Two.
Makakasama ng Petro Gazz sa single-round robin semifinals ang nagdedepensang Creamline, Choco Mucho at Akari.
Ito ang pang-siyam nilang semifinals stint.
Magsisimula ang semis sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City kung saan haharapin ng Gazz Angels ang Cool Smashers at sasagupain ng Flying Titans ang Chargers.
Pinamunuan ni Chinnie Arroyo ang ZUS Coffee sa kanyang 13 points kasunod ang tig-10 markers nina Thea Gagate at Chai Troncoso.
Nakadikit ang Thunderbelles sa 18-20 galing sa 11-17 agwat sa first set bago ibigay ni Aiza Maizo-Pontillas ang 25-21 panalo sa Gazz Angels mula sa kanyang crosscourt attack.
Nakatabla ang ZUS Coffee sa 14-14 sa second frame kasunod ang arangkada ng Petro Gazz patungo sa 2-0 abante sa laban.
Hindi sumuko ang Thunderbelles sa third set kung saan nila naagaw ang 22-21 kalamangan hanggang makuha ng Gazz Angels ang 24-23 abante na sinundan ng block kill ni Myla Pablo kay Gagate.
- Latest