Gazz Angels pumuwersa ng ‘do-or-die’

MANILA, Philippines — Humataw si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 17 points para banderahan ang Petro Gazz sa 25-19, 25-13, 28-26 pagganti sa ZUS Coffee sa Game Two sa kanilang quarterfinals series sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bukod sa panalo ay ipinagdiwang din ni Van Sickle ang kanyang ika-27 kaarawan.
“We came out flat last game, and I thought, this one, we had a goal just to have fun, and to come out energized, and I thought we did a really good job at that,” sabi ni Van Sickle.
Itinabla ng Gazz Angels sa 1-1 ang kanilang best-of-three showdown ng Thunderbelles para humirit ng ‘do-or-die’ Game Three sa Martes.
Ang mananaig ang kukuha sa semifinals ticket.
Sumampa na sa semis ang Choco Mucho at Akari matapos walisin ang PLDT at Galeries Tower, ayon sa pagkakasunod, sa kanilang mga quarterfinals matches.
Nagdagdag sina Myla Pablo, MJ Phillips at ang nagbabalik na si Jonah Sabete ng tig-11 markers para sa Petro Gazz na naunang yumukod sa ZUS Coffee sa Game One, 21-25, 23-25, 25-27.
Dinomina ng Gazz Angels ang first at second set bago pumalag ang Thunderbelles sa third frame para makatabla sa 26-26 mula sa 19-23 agwat.
Ang hataw ni Van Sickle ang nagbigay sa Petro Gazz ng matchpoint, 27-26, kasunod ang overreaching violation ng ZUS Coffee.
Umiskor si Chinnie Arroyo ng 10 points sa panig ng Thunderbelles at may tig-walong marka sina Thea Gagate at Chai Troncoso.
- Latest