Tolentino BPC; RHJ best import uli

MANILA, Philippines — Hinirang si Arvin Tolentino ng NorthPort bilang Best Player of the Conference habang kinilala si Rondae Hollis-Jefferson ng TNT Tropang Giga na Best Import ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Inihayag ito kahapon bago ang Game Four ng championship series ng TNT at Barangay Ginebra sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nakamit ng 29-anyos na si Tolentino ang una niyang BPC trophy matapos dalhin ang Batang Pier sa ikatlong semifinals stint sa franchise history.
Humataw ang dating Ateneo at Far Eastern University forward ng mga averages na 20.3 points, 7.3 rebounds, 1.5 steals at 1.1 blocks sa semis series ng NorthPort at Ginebra.
Si Tolentino ang ikalawang NorthPort player na hinirang na BPC matapos si Fil-German Christian Standhardinger noong 2019 Governors’ Cup.
Ang tubong Angono, Rizal ang 10th overall pick ng Gin Kings sa 2019 PBA Rookie Draft kung saan siya nakatikim ng dalawang PBA titles noong 2020 Philippine Cup at 2021 Governors Cup.
Tinalo ng 6-foot-5 na si Tolentino para sa BPC plum sina eight-time PBA MVP at 11-time BPC winner June Mar Fajardo ng San Miguel, NLEX star guard Robert Bolick, Converge guard Jordan Heading at Calvin Oftana ng TNT.
Samantala, nakamit ni Hollis-Jefferson ang kanyang ikatlong Best Import award matapos noong 2023 at 2024 PBA Governor’s’ Cup na parehong pinagharian ng Tropang Giga kontra sa Gin Kings.
Inungusan ng 30-anyos na naturalized player ng Jordan para sa tropeo sina Justin Brownlee ng Ginebra at Kadeem Jack ng NorthPort.
Nakasama ni Hollis-Jefferson sina Brownlee at Allen Durham ng Meralco bilang mga three-time winners ng Best Import award.
Sa semifinals ay kumamada si RHJ ng mga averages na 28.2 points, 12.4 rebounds, 5.0 assists, 1.9 steals at league-best 1.8 blocks para sa Tropang Giga.
- Latest