Lady Pirates dinispatsa ng Lady Blazers

MANILA, Philippines — Lumalapit ang defending champion College of Saint Benilde sa tuktok ng team standings matapos nilang walisin ang Lyceum of the Philippines, 25-16, 25-17, 25-14 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa JRU Gym sa Kalentong, Mandaluyong, kahapon.
Humarabas si Clydel Mae Catarig ng 19 points mula sa 14 kills, apat na blocks at isang service ace upang ilista ang 5-1 karta ng Taft-based squad at kapitan ang solo No. 3.
Mag-isa sa tuktok ang University of Perpetual Help System DALTA tangan ang 6-0 baraha habang nasa pangalawang puwesto ang Letran na malinis naman ang baraha sa limang laro.
Tumulong sa opensa para sa Lady Blazers si Zamantha Nolasco na nagtala ng 13 puntos kasama ang 11 attacks at tig-isang block at service ace.
Halos hindi pinawisan ang Lady Blazers sa paggupo sa Lady Pirates, tambakan ang bawat set lalo na sa third frame kung saan ay 25-14 ang iskor.
Nirehistro ni Joan Doguna ang 10 puntos para sa Lyceum na sumiksik sa three-way tie sa seventh place kasama ang EAC at JRU hawak ang magkawangis na 1-5 records.
Samantala, nagwagi naman ang Mapua University sa JRU, 25-21, 25-22, 25-15 sa unang laro ng women’s division.
Si Raissa Janel Ricablanca ang namuno sa opensa para sa Lady Cardinals na bumira ng 19 points mula sa 18 attacks at isang service ace.
- Latest