Sen. Go nagpasalamat sa pangunguna sa survey
MANILA, Philippines — Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Sen. Christopher Bong Go sa publiko dahil sa tiwala at suportang ibinibigay sa kanya, matapos na manguna sa pinakahuling senatorial survey na inilabas ng Pulse Asia kahapon.
Sa kabila nito, ani Go, hindi pa rin niya maiwasang malungkot dahil sa nagaganap sa bansa, lalo na sa pagkakakulong ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
“Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta at tiwala sa akin,” ani Go.
“Pero sobrang malungkot ako ngayon dahil sa mga nangyayari sa ating bansa. Para akong nawalan ng isang tatay,” aniya pa.
Sa kabila nito, tiniyak rin naman ni Go na patuloy siyang magtatrabaho at magbibigay ng serbisyong tunay na may malasakit sa mga mamamayan.
“Kaya inuuna ko ang pagsusulong sa mga batas at programang makakatulong sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at walang-wala sa buhay.”
Dagdag pa niya, patuloy niyang ilalapit ang serbisyo ng gobyerno sa tao, kasama na dito ang mga serbisyo at programang medikal para sa mga mahihirap na mga pasyente at pangkalusugan para sa mga mamamayan.
Lagi rin umano niyang tinatandaan ang sinabi sa kanya ng kanyang ‘Tatay Digong’ na, “Just do what is right. Unahin ang interes ng bayan, unahin ang kapwa Pilipino, at hinding-hindi ka magkakamali dyan.”
- Latest