Lady Bulldogs, Lady Spikers maghaharap agad sa UAAP

MANILA, Philippines — Inaabangan na ang matinding bakbakan ng pinakamahuhusay na collegiate volleyball players sa bansa sa paglarga ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na papalo sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa second day ng liga, magtutuos agad ang defending champion National University at Season 85 titlist De La Salle University sa Linggo.
Babanderahan ni two-time UAAP MVP Bella Belen ang matikas na ratsada ng Lady Bulldogs na magtatangkang tapusin ang kanyang collegiate career ng magarbo.
Makakasama ni Belen sa arangkada si UAAP Season 86 Finals MVP Alyssa Solomon kasama sina Vangie Alinsun, Erin Pangilinan, Sheena Toring at playmaker Cams Lamina.
Sa kabilang banda, malaki ang nawala sa La Salle partikular na sa middle blocker position matapos ang paglisan ni Thea Gagate.
Ngunit nananatiling matikas ang Lady Spikers dahil nariyan pa rin si outside hitter at dating Rookie-MVP na si Angel Canino na siyang aasahan sa opensa ng tropa.
Aariba rin para sa La Salle si middle blocker Amie Provido at outside hitter Aleiah Malaluan.
Bigo ang La Salle na makapasok sa finals noong nakaraang taon matapos itong matalo sa University of Santo Tomas sa crossover semis.
Kaya naman desidido ang Lady Spikers na makaresbak sa taong ito.
Magsisimula ang season sa Sabado tampok ang salpukan ng University of the East at University of the Philippines sa ala-una ng hapon.
Kasunod nito ang laban ng Golden Tigresses at Far Eastern University sa alas-3 ng hapon.
- Latest