E-Painters sasagupa sa Tropang Giga sa Semis
![E-Painters sasagupa sa Tropang Giga sa Semis](https://media.philstar.com/photos/2025/02/10/pba_2025-02-10_00-07-02.jpg)
MANILA, Philippines — Sa isang iglap ay nakawala ang mga Elasto Painters sa fourth period para angkinin ang ikatlong semifinal berth.
Sinibak ng No. 6 Rain or Shine ang No. 3 Converge, 112-103, sa kanilang ‘do-or-die’ Game Three sa quarterfinals series ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Itiniklop ng Elasto Painters sa 2-1 ang kanilang best-of-three quarterfinal showdown ng FiberXers para labanan ang No. 2 TNT Tropang Giga sa best-of-seven semifinal duel.
Pinatalsik ng TNT, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, ang No. 7 Eastern.
Humakot si import Deon Thompson ng 34 points, 12 rebounds at 7 assists para sa back-to-back wins ng Rain or Shine.
“In the past two conferences we made the semifinals. So it would be a pity if we did not made the semifinals this conference,” ani coach Yeng Guiao sa kanilang ikatlong sunod na semis stint matapos sa 2024 Philippine Cup at 2024 Governors’ Cup.
“Just be there, just show up and maybe one day we can get into the Finals. So iyon lang ang objective namin,” dagdag ng seven-time champion coach.
Pinamunuan ni Alec Stockton ang FiberXers sa kanyang 26 points at may 19, 16, 15 at 14 markers sina import Cheick Diallo, Justine Baltazar, Justin Arana at Schonny Winston, ayon sa pagkakahilera.
Nagposte ang Rain or Shine ng 11-point lead, 40-29, sa 6:35 minuto ng second period bago nakabangon ang Converge at agawin ang 65-62 bentahe sa 6:10 minuto ng third quarter.
Muling napasakamay ng RoS ang 80-77 pagtatapos ng nasabing yugto bago sila naghulog ng isang 14-5 bomba tampok ang dalawang dikit na tres ni Beau Belga para sa kanilang 94-82 abante sa 8:42 minuto nito.
- Latest