Obiena kumana ng ginto sa France
![Obiena kumana ng ginto sa France](https://media.philstar.com/photos/2025/02/10/obiena_2025-02-10_00-04-51.jpg)
MANILA, Philippines — Nagparamdam na ng lakas si two-time Olympian EJ Obiena matapos pagharian ang 2025 Meeting Metz Moselle Athlelor kahapon sa France.
Nairehistro ni Obiena ang 5.70 metro upang masiguro ang kanyang unang gintong medalya sa taong ito.
Nauna nang humirit ng pilak si Obiena sa International Springer-Meeting Cottbus noong Enero.
Tinalo ni Obiena si Menno Vloon ng Netherlands na nagtala ng parehong 5.70m.
Subalit nanaig ang Pinoy pole vaulter via countback.
Tinangka pa ni Obiena na makuha ang 5.85m ngunit bigo ito sa kanyang tatlong pagsubok.
Nagkasya naman sa tanso si Christopher Nilsen ng Amerika na may 5.60m na naisumite.
Sunod na sasabak si Obiena sa Istaf Indoor tournament sa Germany na nakatakda sa Linggo ng gabi (oras sa Maynila).
Target ni Obiena na madepensahan ang kanyang korona sa naturang torneo.
Matatandaang pinagharian ni Obiena ang Istaf Indoor noong nakaraang taon kung saan nagtala ito ng 5.93m na siyang bagong Asian indoor record.
Hindi magpapartisipa sa Istaf Indoor si world champion, Olympic champion at world record holder Armand Duplantis ng Sweden.
Subalit nananatiling matikas ang lineup sa naturang torneo dahil sasabak si Sam Kendricks ng Amerika na silver medalist sa 2024 Paris Olympics.
Lalahok din sina Oleg Zernikel, Bo Kanda Lita Baehre at Torben Blech na pambato ng host Germany.
Masisilayan din sa askyon sina Huang Bokai ng China, Ersu Susma ng Turkey at Austin Miller ng Amerika.
- Latest