2 Do-or-Die games sa PBA
![2 Do-or-Die games sa PBA](https://media.philstar.com/photos/2025/02/08/adrian-nocum_2025-02-08_21-12-26.jpg)
MANILA, Philippines — Malalaman ngayon kung sino ang mga makakalaban ng No. 1 NorthPort at No. 2 TNT Tropang Giga sa best-of-seven semifinals series ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Lalabanan ng No. 3 Converge ang No. 6 Rain or Shine ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang bakbakan ng No. 4 Barangay Ginebra at No. 5 Meralco sa alas-7:30 ng gabi sa Game Three ng kanilang mga quarterfinals duel sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagtabla sa 1-1 ang apat na koponan sa kani-kanilang best-of-three showdown.
Sasagupain ng Batang Pier sa semis ang mananaig sa salpukan ng Gin Kings at Bolts, habang haharapin ng Tropang Giga ang mananalo sa duwelo ng FiberXers at Elasto Painters.
Kaagad sinibak ng NorthPort at TNT, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, ang No. 8 Magnolia at No. 7 Eastern, ayon sa pagkakasunod.
Tumabla naman ang Meralco sa Ginebra sa Game Two, 108-104, matapos ang 92-100 kabiguan sa Game One ng kanilang serye para makatulak ng Game Three.
Nakaiwas naman sa sweep ang Rain or Shine nang itakas ang 114-104 panalo sa Converge sa Game Two mula sa 118-130 pagyukod sa series opener.
“Do-or-die for both teams. Isa lang ang sisiguraduhin ko, pagdating ng Sunday, tapos na ito. Hindi ko lang alam kung sino mananalo,” ani Elasto Painters coach Yeng Guiao sa huli nilang pagtutuos ng FiberXers.
Patayan din ang Gin Kings at Bolts para sa karapatang hamunin ang Batang Pier sa semifinals.
“We haven’t done anything. No we have to focus on one more game to get it done,” sabi ni Meralco mentor Luigi Trillo sa banggaan nila ng Ginebra ni coach Tim Cone.
- Latest