One Silay Sports hinataw ang tanso sa PNVF U21

MANILA, Philippines — Inangkin ng One Silay Sports ang bronze medal ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division matapos takasan ang Umingan, 22-25, 32-30, 25-20, 25-19, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Pumalo ang 20-anyos na si Ike Andrew Barelia ng 30 points mula sa 29 attacks at isang service ace para banderahan ang One Silay na tinapos ang Umingan sa loob ng isang oras at 48 minuto.
Umiskor ang 17-anyos na si Vin Mark Canoy ng 17 markers sa torneong inorganisa ng PNVF sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara.
Binanderahan ng 16-anyos na si Michael Angelo Fernandez ang Umingan sa kanyang 18 points, habang may 17 markers ang 20-anyos na si Milson Janrey Galzote sa torneong suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Meralco, PLDT, Smart, AyalaLand, Nuvali, Mikasa, Senoh, Asics, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at Pilipinas Live.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Zamboanga City at University of the East para sa gold medal habang isinusulat ito kagabi.
- Latest