Ika-7 sunod target ng Cool Smashers

MANILA, Philippines — Target ng nagdedepensang Creamline ang pang-pitong sunod na panalo sa pagsagupa sa Cignal HD sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Magkikita ang Cool Smashers at HD Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Akari Chargers at Capital1 Solar Spikers sa alas-4 ng hapon.
Solo ng Creamline ang liderato sa kanilang 6-0 marka sa itaas ng Petro Gazz (6-1), Cignal (5-2), PLDT (5-3), Chery Tiggo (5-4), Choco Mucho (5-3), ZUS Coffee (4-4), Farm Fresh (4-4), Akari (4-4), Galeries Tower (1-7), Capital1 (1-6) at Nxled (0-8).
Ibinabase ang team standings sa total points.
Huling biniktima ng Cool Smashers ang Chameleons, 25-12, 25-21, 25-19, tampok ang 13 points at 12 excellent digs ni Bernadeth Pons.
“Focus kami doon sa next game kung sino ‘yung tamang combination na maglalaro,” sabi ni coach Sherwin Meneses na muling sasandal kina Pons, Alyssa Valdez, Jema Galanza, Tots Carlos, Michele Gumabao at Kyle Negrito.
Itatapat ng HD Spikers sina Vanie Gandler, Rose Doria-Aquino, Jackie Acuña, Judith Abil, Ishie Lalongisip, Gel Cayuna at Dawn Macandili-Catindig.
Nakalasap ang Cignal ng 20-25, 21-25, 25-20, 22-25 kabiguan sa PLDT.
Sa unang laro, papaluin ng Chargers ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa Solar Spikers na gustong makabangon sa pagkatalo.
Humataw ang Akari ng 21-25, 25-20, 26-24, 25-18 tagumpay sa Nxled kung saan nagkaroon si setter Mich Cobb ng neck injury.
Nakatikim naman ang Capital1 ng 29-31, 15-25, 15-25 kabiguan sa ZUS Coffee para sa kanilang pangatlong dikit na kamalasan.
Nauna silang natalo sa Galeries Tower at Creamline.
- Latest