Chery Tiggo bagsak sa ZUS Coffee
MANILA, Philippines — Humataw si Jovelyn Gonzaga ng 20 points sa 25-22, 25-22, 23-25, 25-20 pagdaig ng ZUS Coffee sa Chery Tiggo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Naglista rin si Gonzaga ng 15 excellent digs para sa back-to-back wins ng Thunderbelles na nagtaas sa kanilang kartada sa 4-4.
May 18 markers si Chai Troncoso at nag-ambag ng 13, 12 at 10 points sina Thea Gagate, Chinnie Arroyo at Mich Gamit, ayon sa pagkakasunod.
“Sa ngayon, kami kumbaga kung ano lang iyong maipapanalo namin go lang kami nang go. So wala munang mga pro-projections, ang dami pa naming wino-workout sa sarili namin,” ani coach Jerry Yee.
Bigo ang Crossovers na maitala ang ikalawang sunod na panalo para sa kanilang 5-4 marka.
Inangkin ng ZUS Coffee ang 2-0 abante, habang inagaw ng Chery Tiggo ang third set, 25-23, sa pamumuno nina Ara Galang, Shaya Adorador at Ces Robles.
Kinuha ng Thunderbelles ang 18-14 kalamangan patungo sa 23-17 paglayo.
Tinapos ni Gonzaga ang laro mula sa kanyang crosscourt attack.
“Kami kasi iniisip namin talaga more on work lang eh. So kung manalo man kami today as long as may natututuhan kami,” ani Gamit. “Pero ngayon sa game na ito I’m super proud and happy sa kinalabasan ng game kasi it’s a team effort.”
Tumapos si Galang na may 20 points mula sa 17 hits, dalawang blocks at isang ace sa panig ng Crossovers na nakahugot ng 13 at 11 markers kina Adorador at Robes, ayon sa pagkakasunod.
- Latest