UE bumandera sa PNVF U-21 Championship
MANILA, Philippines — Hinataw ng University of the East ang ikalawang sunod na panalo matapos gibain ang Umingan, 25-22, 25-15, 25-14, sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nauna nang tinalo ng Red Warriors, binubuo ng mga high school at collegiate players ni coach Jerome Guhit, ang City of Naga-Cebu Volleyball Club, 25-12, 25-17, 23-25, 25-17, para solohin ang liderato sa Group B.
Sinandigan ng UE ang kanilang mga magandang settings at blockings para mamayani sa kauna-unahang U-21 men’s five-day event na inorganisa ng PNVF sa pamumuno ni president Ramon “Tats” Suzara, ang Asian Volleyball Confederation (AVC) president at FIVB executive vice president.
Samantala, nilusutan ng Notre Dame of Dadiangas University ang City of Naga-Cebu Volleyball Club, 27-25, 20-25, 18-25, 25-18, 15-11, para sa kanilang 1-1 record sa Group B.
Laglag ang Umingan sa 1-1 at may 0-2 marka ang City of Naga-Cebu Volleyball Club sa torneong suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Meralco, PLDT, Smart, AyalaLand, Nuvali, Mikasa, Senoh, Asics, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at Pilipinas Live.
Magpapatuloy ang preliminary round ngayong araw sa pagsagupa ng One Silay sa Lingayen Volleyball Club sa alas-9 ng umaga at bakbakan ng Zamboanga City at Volleyball Never Stop (VNS) sa alas-11:30 ng tanghali sa Group A.
Target naman ng UE ang 3-0 baraha sa pagharap sa Notre Dame of Dadiangas University sa alas-2 ng hapon kasunod ang laro ng Umingan at City of Naga-Cebu Volleyball Club sa alas-4:30 ng hapon.
- Latest