Road Warriors humirit ng playoff
MANILA, Philippines — Humirit ang NLEX ng playoff para sa No. 8 spot sa quarterfinals matapos gibain ang guest team Eastern, 94-76, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si import Mike Watkins ng 41 points, 14 rebounds at 2 blocks para sa 6-6 record ng Road Warriors tampok ang tatlong sunod na ratsada habang tumipa si Robert Bolick ng 21 points, 5 boards at 8 assists.
“Two weeks ago we were in a brink of elimination eh. So ngayon may tsansa kami, so we’ll take this,” wika ni coach Jong Uichico.
Ang panalo ng tropa ni Uichico ang sumibak sa San Miguel (5-7) at umaasang matatalo ang Magnolia (5-6) sa Meralco (7-3) bukas para opisyal na makuha ang No. 8 berth sa quarterfinals.
Ito ang unang pagkakataon na nawala sa playoffs ang Beermen sapul noong 2015.
Si Uichico ang gumiya sa San Miguel sa anim na PBA championships sa kanyang termino bilang coach.
Bagsak ang Hong Kong team sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 7-5 marka.
Matapos kunin ng Eastern ang first period, 23-18, ay nagsimulang mag-init ang opensa ng NLEX sa pamumuno nina Watkins at Bolick para agawin ang 43-42 abante sa halftime.
Sa third period ay tuluyan nang kumawala ang Road Warriors sa pagtatayo ng 10-point lead, 65-55, mula sa three-point shot ni Robbie Herndon sa 1:29 minuto nito.
Lalo pang naiwanan ang Eastern sa 69-88 matapos ang triple ni Bolick sa huling 3:55 minuto ng fourth quarter.
- Latest