Silay ginulat ang VNS
Sa PNVF U21 nationals opener
MANILA, Philippines — Ginulat ng ONE Silay ang Volleyball Never Stop (VNS) Club, 25-22, 25-23, 22-25, 32-30, sa pagsisimula ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-21 Championship National Men’s Division kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Kaagad nagtala ng panalo ang Negros Occidental team sa pagpapatumba sa VNS squad sa Group A ng five-day championship na idinaraos sa unang pagkakataon ng PNVF sa pangunguna ni Ramon “Tats” Suzara.
Tinakasan naman ng Mindanao No. 1-ranked Zamboanga City ang North Luzon No. 2 Lingayen, 16-25, 25-20, 23-25, 30-28, 15-7, sa isa pang laro sa Group A.
Magtutuos ang One Silay at Zamboanga City ngayong alas-2 ng hapon sa torneong suportado ng Akari, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Meralco, PLDT, Smart, AyalaLand, Nuvali, Mikasa, Senoh, Asics, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at Pilipinas Live.
Maghaharap din sa preliminary ang Notre Dame ng Dadiangas University at City of Naga-Cebu Volleyball Club sa alas-9 ng umaga.
Sa alas-11 ng umaga ay magkikita ang Umingan Volleyball Club at University of the East, habang maglalaban ang VNS at Lingayen sa alas-4 ng hapon.
Magpapatuloy ang preliminaries hanggang bukas kasunod ang semifinal matches sa Sabado at ang finals sa Linggo.
- Latest