Alcoseba wagi sa NAGT Series
MANILA, Philippines — Matagumpay na naidepensa ni Raven Faith Alcoseba ang kanyang korona sa women’s division ng 2025 National Age Group Triathlon (NAGT) Series opening leg noong Linggo sa Subic Boardwalk, Zambales.
Sinikwat ni Alcoseba, ang 2023 Cambodia Southeast Asian Games aquathlon bronze medalist, ang kanyang ikaapat na titulo sa oras na 1:09.55 .
Inungusan niya sina Erika Nicole Burgos ng Tanauan, Batangas (1:06:33) at Kira Ellis ng Laguna (1:06:16).
“Lima kaming magkakasabay at nag-catch up lang po ako sa bike and then sa run,” pahayag ng 22-anyos na tubong Talisay City na si Alcoseba.
Nagtala naman si Andrew Kim Remolino, ang second year Marketing Management student sa University of San Jose Recoletos-Cebu City, ng personal best na 56:44 para sa ikalawang sunod niyang men’s elite championship.
Sinira ang sariling oras na 56:56 nang maghari rin noong isang taon, sinapawan ni Remolino ang kapwa Cebuano na si Matthew Justine Hermosa na nagrehistro ng bilis na 56:46.
“We want to maintain our best time po kasi this is the start of the season,” ani Remolino.
“Marami pa pong puwedeng mangyari at hindi pa po talaga sigurado kung sino ang makakapag-represent sa amin sa December Thailand SEA Games,” dagdag nito.
Nakopo ni Jose Ramos ang ikatlong puwesto sa Elite Men sa 57:22.
- Latest