Magnolia buhay pa sa quarters
MANILA, Philippines — Mala-pader na depensa ang ginamit ng Magnolia para paluhurin ang guest team Hong Kong Eastern, 107-78, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si import Ricardo Ratliffe ng 25 points, 16 rebounds at 7 assists para sa back-to-back wins ng Hotshots na nagtaas sa kanilang baraha sa 5-6 at palakasin ang pag-asa sa tiket sa eight-team quarterfinal round.
“That’s our call -- the defense. When our backs are against the wall, when we are in a do-or-die situation we go to our strength, which is our defense,” wika ni coach Chito Victolero.
Nagdagdag sina Zav Lucero at rookie Jerom Lastimosa ng tig-20 markers at may 14 at 11 points sina Ian Sangalang at Mark Barroca, ayon sa pagkakasunod.
“Hindi kami puwedeng matalo sa game na ito. So kung anuman iyong mangyari dito, manalo o matalo, kailangan ibigay talaga namin iyong effort, iyong best namin, lahat kami,” ani Sangalang sa kanilang tropa na kailangang talunin ang Meralco sa Biyernes para sa playoff sa No. 8 spot sa quarterfinals.
Bigo ang Eastern na makadalawa para sa kanilang 7-4 marka na dumiskaril sa paglapit sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive.
Matapos kunin ang 24-19 abante sa first period ay humarurot ang Magnolia sa second quarter para itayo ang 50-31 halftime lead.
Lalo pang nabaon ang Eastern, nakahugot kay 6-foot-10 Canadian import Chris McLaughlin ng 20 points, sa 62-86 sa pagsisimula ng third canto.
Tuluyan nang kumaripas ang Hotshots sa 94-70 mula sa three-point play ni Rome Dela Rosa sa 6:26 minuto ng fourth period.
Nag-ambag si Glen Yang ng 14 points kasunod ang 13 markers ni Kobey Lam para sa Eastern.
Bukod sa PBA ay naglalaro rin ang Hong Kong team sa East Asia Super League (EASL) Home-and-Away Season 2.
- Latest