Los Angeles Lakers sinapawan ang Boston Celtics
LOS ANGELES MANILA, Philippines — Umiskor si star center Anthony Davis ng 24 points at may 23 markers si Austin Reaves para banderahan ang Lakers sa 117-96 pagsapaw sa nagdedepensang Boston Celtics.
Nagkuwintas si LeBron James ng 20 points at 14 rebounds para sa Los Angeles (24-18) matapos pangalanan sa All-Star Game sa ika-21 sunod na season.
Inungusan din ni James si NBA legend Hakeem Olajuwon sa seventh place sa defensive rebounds sa NBA history sa third quarter.
Mayroon na ngayong 9,726 rebounds si James.
Pinamunuan ni Kristaps Porzingis ang Boston (31-14) sa kanyang 22 points kasunod ang 17 markers ni Jaylen Brown.
Nag-ambag si Jayson Tatum, hinirang din sa All-Star Game, ng 16 points.
Ipinoste ng Lakers ang isang 28-point lead sa fourth quarter para iwanan ang Celtics matapos magsalpak ng 11 three-pointers sa first half.
Sa Denver, inilista ni Nikola Jokic ang kanyang pang-limang sunod na triple-double sa tinapos niyang 35 points, 22 rebounds at season-high 17 assists sa 132-123 panalo ng Nuggets (28-16) sa Sacramento Kings (23-21).
Sa Milwaukee, tumipa si Damian Lillard ng 29 points, 11 assists at 9 rebounds sa 125-96 pagsuwag ng Bucks (25-17) sa Miami Heat (21-22).
Sa San Francisco, kumamada si Stephen Curry ng 21 points at bumira si Quinten Post ng career-high 20 points sa 131-106 pagpulutan ng Golden State Warriors (22-22) sa Chicago Bulls (19-26).
Sa Oklahoma City, nagsalpak si Spencer Dinwiddie ng 28 points sa 121-115 panalo ng Dallas Mavericks (24-21) sa Thunder (36-8).
- Latest