Troy handang makipagsabayan sa mga mas batang manlalaro
MANILA, Philippines — Handang makipagsabayan si Troy Rosario sa mga mas batang manlalaro sa kanyang sorpresang pagbabalik sa Gilas Pilipinas training pool para sa huling window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa susunod na buwan.
Noong 2022 pa huling sumabak sa Nationals si Rosario at ngayon ay dadatnan ang bagong-bihis na Gilas tampok ang mga rising stars kasama ang mga batikang manlalaro sa PBA.
Sa kabila nito, nangako ang 32-anyos na beterano na ibubuhos ang lahat para makasubok na makapasok sa Final 12 ni Gilas head coach Tim Cone, na mentor niya rin sa bagong team na Barangay Ginebra.
“Sana makasabay pa ako sa mga bata kasi hindi na rin tayo bumabata,” hamon ni Rosario sa kanyang sarili dahil magiging kuya siya ng mga rising stars na sina AJ Edu, Carl Tamayo, Dwight Ramos, Mason Amos at Calvin Oftana.
Napatawag sa Gilas si Rosario upang punan ang injured players na sina Kai Sotto at Kevin Quiambao na nagtamo ng ACL at ankle sprain injury sa Japan B. League at Korean Basketball League, ayon sa pagkakasunod.
Sa Doha ang training camp ng Gilas kung saan makakasama ni Rosario ang ibang PBA veterans na sina Scottie Thompson, Justin Brownlee, CJ Perez, Chris Newsome at Jamie Malonzo para kumpletuhin ang mga bataan ni Cone.
Pasok na sa Asia Cup sa Saudi Arabia sa Agosto ang Gilas bitbit ang 4-0 kartada sa Group B subalit gustong mawalis ang torneo kontra sa Chinese Taipei sa Pebrero 20 at New Zealand sa Pebrero 23 na parehong gaganapin sa homecourt ng mga kalaban.
- Latest