Genesis hinugot ng Solar Spikers
MANILA, Philippines — Nagdagdag ng matinding armas ang Capital1 Solar Spikers matapos nilang papirmahin ng kontrata si Trisha Genesis at makatulong sa kanilang kampanya sa 2024-25 PVL All-Filipino Conference.
Malaking bagay si Genesis sa koponan na pag-aari ng magkapatid na Milka at Mandy Romero, determinado silang magpalakas, tangan nila ang 1-4 karta bago nagkaroon ng break noong Disyembre.
Naglaro si Genesis sa Nxled Chameleons noong nakaraang taon, kilala siya bilang player na malakas pumalo ng bola.
Sinaksihan ng Romero sisters ang pagpirma ng kontrata ni Genesis para sa Capital1 Solar Spikers, kasama ang ilang team officials.
Inaasahang makakabangon ang koponan na ginagabayan ni Roger Gorayeb sa pagpasok ng 24-anyos na si Genesis.
“We will have now another offensive option,” ani Gorayeb.
Masisilayan si Genesis sa kanyang unang laro sa koponan pagharap ng Solar Spikers sa Creamline Spikers sa Martes.
Nakapaglaro ang 5-foot-7 na si Genesis sa Adamson Lady Falcons kung saan ay nanalo sila sa 2019 PVL Collegiate Conference.
Nahirang naman noon si Genesis na Conference Most Valuable Player at First Best Outside Hitter.
- Latest